BI

23 Pinoy napilitang maging love scammers sa Cambodia balik-PH

Jun I Legaspi Aug 25, 2025
318 Views

DUMATING sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Agosto 23 ang 23 Filipino–9 na lalaki at 14 na babae–galing sa Cambodia na napilitang magtrabaho sa mga online scam hub.

Pagdating sa NAIA, tinulungan sila ng Bureau of Immigration (BI), Task Force Against Trafficking at ng Department of Migrant Workers (DMW).

Ayon sa mga biktima, na-recruit sila sa pamamagitan ng social media na may pangakong trabaho bilang customer service representative at sahod na $1,500 kada buwan.

Pagdating sa worksite, $300 lang ang kanilang natanggap at pinilit silang maging “love scammers” sa mga catphishing syndicate na target ang mga lalaking Europeo.

Ikinuwento rin nila ang mga parusang dinanas tulad ng squatting exercises, pagmumura, at pananakit kapag hindi nila naabot ang quota.

Lahat ng 23 nailigtas umalis ng bansa bilang turista.

Isa sa mga biktima kasama ang buong pamilya para sa umano sa limang araw na bakasyon sa Bangkok ngunit dumiretso sa Cambodia para magtrabaho sa scam hub.

Ibinunyag din ng ilan na sila ay “ibinenta” sa ibang kompanya.

Noong Agosto 24, iniulat ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ang pagsabat sa dalawang Pilipino na tangkang sumakay ng AirAsia papuntang Thailand.

Una nilang sinabi na sila’y magbabakasyon, ngunit kalauna’y umamin na may alok sa kanilang trabaho bilang encoder sa ibang bansa. Pinaniniwalaang bahagi sila ng parehong sindikato.

Sa mga kaparehong kaso, ang mga biktima ay pinangakuan ng trabaho sa Thailand ngunit sapilitang dinadala sa Cambodia, Myanmar o Laos.

Nagbabala si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa mga Pilipinong nagnanais magtrabaho sa ibang bansa na huwag basta-basta maniwala sa mga alok sa social media.