’27 Judiciary budget na P86.27B aprubado na

123 Views

INAPRUBAHAN sa committee level at inendorso sa plenaryo ng Senado ang panukalang P86.27-bilyong budget ng Judiciary para sa 2027 matapos at binusisi ng mga senador ang P9.17-bilyong budget gap, mabigat na court backlog, libu-libong bakanteng posisyon at 26 flood-control cases.

Naghain ng mosyon si Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri na aprubahan sa committee level ang budget ng Supreme Court, Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeals at iba pang kaugnay na tanggapan.

Nang masegundahan ang mosyon, idineklara ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na ang budget ng Judiciary ay “deemed submitted to plenary.”

Humihingi ang Judiciary ng P86.271 bilyon para sa 2027, mas mataas ng P15.66 bilyon o humigit-kumulang 22% mula sa P70.611-bilyong budget nito ngayong 2026.

Sa panukala, P73.837 bilyon ang para sa Supreme Court at lower courts, P193.43 milyon sa Presidential Electoral Tribunal, P7.605 bilyon sa Court of Appeals, P3.282 bilyon sa Sandiganbayan at P1.354 bilyon sa Court of Tax Appeals.

Binanggit ni Sen. JV Ejercito sa hearing ang komento ng Department of Budget and Management na nagrerekomenda ng budget ceiling na P77 bilyon, na lilikha ng P9.17-bilyong agwat mula sa panukala ng Judiciary.

Tinanong ni Ejercito kung anong mga programa at proyekto ang maaapektuhan kung maisasagawa ang naturang pagbawas.

Sinabi ni Court Administrator Maria Theresa Dolores C. Gomez-Estoesta na maaapektuhan ang mga plano para sa salary upgrading at reclassification ng court personnel, gayundin ang rehabilitation, repair at pagpapalit ng matatandang court buildings.

Ayon kay Gomez-Estoesta, marami sa mga gusali ng korte ay 20 taon na o mas matanda at nangangailangan na ng pagkukumpuni, rehabilitation o, sa ilang kaso, demolition.

Humiling din ang Judiciary ng humigit-kumulang P4.069 bilyong augmentation, kabilang ang pondong kailangan para sa 135 unorganized courts na wala pang Notice of Organization, Staffing and Compensation Action o NOSCA, at karagdagang pondo para sa appellate at specialized courts

Sinabi ng Judiciary na mayroon itong 2,303 hukom noong Agosto 31 at 28,805 court personnel noong Agosto 30.

Binusisi rin ni Ejercito ang 12,827 bakanteng posisyon sa Judiciary at tinanong kung paano mapabibilis ang recruitment dahil maaaring makaapekto ang manpower shortage sa court congestion at trial delays.

Nilinaw ni Gomez-Estoesta na hiwalay ang court-personnel vacancies sa judicial vacancies, dahil dumaraan sa Judicial and Bar Council ang pagpili sa mga hukom bago ang presidential appointment.

Hiwalay dito ang 319 judicial vacancies na naghihintay ng presidential appointment at 170 unorganized courts.

Isa sa pinakamatingkad na problemang lumitaw sa hearing ang court congestion.

Sinabi ni Gomez-Estoesta na may isang hukom sa Cabuyao, Laguna na humahawak ng mahigit 5,000 kaso. Nagbitiw ang hukom noong Agosto 31 dahil sa mga problema sa kalusugan matapos sumailalim sa operasyon.

“5,000 cases?” tanong ni Senate President Sherwin Gatchalian. “5,000 plus,” sagot ni Gomez-Estoesta.

Sa Dasmariñas, Cavite, umabot sa 6,567 ang pending cases noong Hulyo 31. Sinabi ng Judiciary na humingi na ito ng dagdag na court branches para sa lugar.

Ayon kay Gomez-Estoesta, nasa 56% ang overall disposition rate ng mga korte habang 142% naman ang accomplishment rate dahil magkaiba ang basehan ng dalawang sukatan.

Sinabi ni Ejercito na hindi pantay ang performance sa lahat ng korte. Binanggit niya ang 23% disposition rate ng Supreme Court laban sa 38% target at 56% ng Court of Tax Appeals laban sa 79.8% target.

Sa kabilang banda, sinabi ni Gatchalian na mataas ang budget utilization ng Judiciary, na nasa 98% noong 2024 at 99% noong 2025.

Sa Sandiganbayan, sinabi ni Presiding Justice Geraldine Faith A. Econg na 26 flood-control cases ang naihain ng Office of the Ombudsman hanggang Setyembre 10, kabilang ang mga kasong laban sa mga senador at kongresista.

Ang unang flood-control case ay inihain noong Nobyembre 18, 2025 at sinabi ng Sandiganbayan na ang ilan sa mga naunang kaso ay nasa defense stage na.

Bumaba ang pending caseload ng Sandiganbayan mula 5,237 noong 2019 sa humigit-kumulang 535 noong Hunyo 2026.

Sinabi ng korte na nasa 82.48% ang conviction rate nito sa mga kasong na-dispose ngayong 2026 sa puntong iyon ng taon. Gayunman, binigyang-diin sa hearing na interim figure ito at maaari pang magbago pagsapit ng katapusan ng taon.

Iginiit ni Gatchalian na hindi akma ang pagbabawas ng pondo habang humaharap ang anti-graft court sa mga kasong may kaugnayan sa korapsyon, kabilang ang flood-control cases.

Humihingi ang Sandiganbayan ng P3.282 bilyon para sa 2027, mas mataas sa P2.723-bilyong budget nito ngayong 2026.

Limang courtroom lamang ang kasalukuyang nagagamit ng pitong divisions ng Sandiganbayan kaya nagpapalitan ang ilang divisions sa paggamit ng courtroom.

Isa pang matagal nang problema ang Manila Hall of Justice.

Ikinuwento ni Supreme Court Associate Justice Jhosep Y. Lopez na bilang first-term Manila councilor noong 1992 ay dumalo siya sa isang groundbreaking para sa proyekto. Makalipas ang mahigit tatlong dekada, hindi pa rin natatapos ang courthouse project.

Noong ikalawang semestre ng 2024 muling nakakuha ng consulting service para sa Detailed Architectural and Engineering Design ng proyekto, ayon sa Judiciary.

Sa Court of Appeals, sinabi ni Presiding Justice Fernanda Lampas Peralta na mula 2021 hanggang sa kasalukuyan ay 683 Ombudsman cases ang umakyat sa CA.

Sa bilang na iyon, 559 o 82% ang na-affirm at 18% ang na-reverse, ayon sa CA.