Chinese Source: BI

3 dayuhan hinuli sa paglabag sa BI rules

Jun I Legaspi Apr 9, 2026
278 Views

INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa tatlong dayuhan sa dalawang magkahiwalay na operasyon noong Marso 30 sa Camarines Sur at Pampanga dahil sa magkakaibang kaso.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, si Yang Shaofang, 41, isang Chinese national, naaresto sa Brgy. Tara, Sipocot, Camarines Sur dahil sa paglabag sa kondisyon ng kanyang pananatili at paggamit ng pekeng dokumento sa imigrasyon.

Nakumpirma na namamahala ng negosyo ng mga piyesa ng motorsiklo si Yang.

Ang kanyang visa ay inilabas sa ilalim ng ibang petitioner.

Sa una ay itinanggi ni Yang ang kanyang kaugnayan sa negosyo ngunit kalaunan ay umamin na siya ang namamahala sa naturang establisyemento.

Sa Venetian Cocktail Lounge sa Clark Freeport Zone, Pampanga, inaresto ng mga operatiba ng BI ang dalawang Koreans na sina Moon Jongkook, 45; at Park Youngsun, 46, na pawang sangkot sa mga aktibidad na labag sa kondisyon ng kanilang visa.

“Lahat ng dayuhan ay inaasahang mahigpit na susunod sa batas imigrasyon ng Pilipinas. Ang mga pag-arestong ito ay malinaw na mensahe na hindi natin kukunsintihin ang pang-aabuso sa ating visa system o anumang pagtatangkang linlangin ang mga awtoridad,” sabi ni Viado.

Dagdag pa niya, ang mga operasyon ay isinagawa sa pakikipagtulungan sa iba pang ahensya ng law enforcement at intelligence bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa mga lumalabag na dayuhan.

Ang mga naarestong indibidwal ay dinala sa BI main office sa Maynila para sa booking, inquest proceedings at karagdagang legal na aksyon.