Bulacan

3 kinasuhan sa pangha-harass sa Bulacan

Alfred Dalizon May 7, 2026
15 Views

TATLO ang sinampahan ng kasong kriminal kaugnay ng viral video na makikitang hina-harass ang residente Norzagaray, Bulacan at ang isa pa’y makikitang nagwawasiwas ng pistol kaya natakot ang mga tao sa lugar.

Ayon kay Bulacan Police Provincial Office (BPPO) officer-in-charge, Colonel Jay Baybayan, dalawa sa mga suspek ang kinasuhan ng trespass to dwelling, grave threat at malicious mischief.

Ang pangatlong may hawak na baril kinasuhan ng paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act of 2013).

Naganap ang insidente noong Linggo sa Holcim corner Sitio Raga sa Brgy. Minuyan, Norzagaray.

Sinabi ni Col. Baybayan na ugat ng gulo ang away ng mga nakasakay sa motorsiklo at SUV dakong alas-4:00.

Nauwi sa sapakan ang gulo at umalis ang dalawang nakamotor na nagbanta na babalik sila.

Bumalik ang mga maangas na tatlo na at may dalang cal .45 pistol. Na-damage ang sasakyan at bahay ng biktima at nanutok pa ng baril sa mga biktima.

Ayon sa mga pulis, lumabas sa check sa Firearms and Explosives Office ng Philippine National Police na paso na ang License to Own and Possess Firearms at firearm registration ng suspek na may baril.

Nakatakda sanang magkita sa barangay hall ang mga nag-away pero hindi nagpakita ang mga suspek kaya nagsampa na ng demanda ang mga biktima.