Calendar
3 laglag sa P114.5M shabu sa Pasay City
NASABAT ng mga awtoridad ang mahigit P114 milyong halaga ng shabu na nagresulta sa pagkakadakip sa tatlong hinihinalang sangkot pagpasok ng ilegal na droga sa bansa sa Cargo Warehouse sa Pasay City.
Sa ulat ni Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group (AVSEGROUP) Director P/BGen Dionisio B Bartolome Jr, Biyernes ng umaga nang maghinala ang Bureau of Customs sa laman ng apat na karton nang dumaan sa X-ray screening at pinalakas pa ng positibong aksiyon ng K-9 Unit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Napagalaman na nagmula ang kontrabando sa Lubumbashi, Democratic Republic of Congo na ipinarating sa bansa at idiniretso sa Cargo Warehouse sa Pasay City upang doon kuhanin ng mga naarestong suspek.
Nang buksan ang apat na kahon, kasama ang mga miyembro ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, intelligence personnel ng Aviation Security Unit ng National Capital Region (NCR) at Cargo Police Station, natuklasan ang kabuang 16,848 na gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php 114,566,400.00 na itinago sa loob ng mga berdeng pigurin na inilagay sa mga transparent plastic bags.
Lahat ng mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ilegal na droga ay nai-turn over na sa PDEA National Office upang sila na mangangasiwa sa naturang kaso.
“Entering the new year, airport security operations are being intensified, with strengthened inter-agency coordination and relentless intelligence-driven actions to dismantle drug networks and block any attempt to exploit airport facilities,” pahayag pa ni P/Gen. Bartolome.
