Chinese na bebot timbog sa pekeng driver’s license

181 Views

ARESTADO ang isang 60-anyos na babaeng Chinese matapos umanong magpakita ng pekeng driver’s license nang bumisita sa isang preso sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) facility sa lungsod nitong Huwebes.

Kinilala ni QCPD-CIDU Chief P/Lt. Col. Edison Ouano ang suspek na si alias “Lu,” residente ng Makati City.

Ayon sa ulat, Enero 6 nang unang magtungo si Lu sa CIDU Custodial Facility para dalawin ang isang detainee. Nang hingan ng ID, agad nitong inabot ang kaniyang driver’s license, ngunit napansin ng duty jailer na kahina-hinala ang dokumento kaya’t ipina-verify ito sa Land Transportation Office (LTO).

Pinayagan munang makadalaw ang suspek. Ngunit noong Enero 8, kinumpirma ng LTO na wala sa kanilang database ang naturang lisensya.

Bandang 3:55 ng hapon sa parehong araw, muling bumalik si Lu sa CIDU at ipinakita ang parehong driver’s license, dahilan upang agad siyang arestuhin ng mga awtoridad.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong Falsification of Public Document sa ilalim ng Article 172 ng Revised Penal Code at paglabag sa Republic Act 4136 (Land Transportation and Traffic Code).

Binigyang-diin ni QCPD Acting District Director P/Col. Randy Glenn Silvio na paalala ang insidente sa publiko:

“Ang paggamit ng pekeng ID ay may katumbas na parusa, lalo na sa mga opisyal na transaksyon.”