Calendar
Makikita sa mga litrato ang isinagawang buy-bust at ang nakumpiskang ebidensiya. Kuha ni STEVE A. GOSUICO
3 “Maria” na HVI timbog sa higit P2-M shabu sa Talavera
TALAVERA, Nueva Ecija — Tatlong dalaga na tinawag na high value-individual (HVI) ng otoridad ang timbog sa ilegal na droga matapos silang makuhanan sa ikinasang buy-bust operation ng higit P2-milyong halaga ng shabu dito kagabi ng Martes, ayon kay Nueva Ecija top cop Col. Heryl “Daguit” Bruno.
Ayon sa ulat na pinadala sa kanya ni police head Lt. Col. Rogelio L. Pacificar Jr., kinilala ang tatlong suspek na naaresto na sina Alyas Maria, 38, at Alyas Maricris, 25, kapwa residente ng Phase 3, Brgy. Lumang Pangako, Payatas, Quezon City at ang isang kasabwat na si Alyas Juliet, 53, ng Bgy. Rio Chico, General Tinio, Nueva Ecija.
Nasakote sila matapos ang buy-bust operation na ikinasa sa Bgy. Calipahan dakong 10:50 p.m.
Dinakma ang tatlong suspek matapos na P1,000 halaga ng shabu ang ibinenta ng mga suspek sa isang undercover police.
Nasamsam pa mula sa mga suspek ang pitong plastic sachet na may lamang shabu na may timbang na 300 gramo at may halagang P2,040,000.
Nakakulong na ang tatlong suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9265 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Pinapurihan ni Bruno si Pacificar at ang kanyang tauhan. “Walang puwang ang ilegal na droga sa Nueva Ecija. Patuloy na tutukuyin, hahabulin, at pananagutin ng NEPPO ang mga kumikita sa pagsira ng mga buhay at komunidad,” pahayag ng opisyal.

