Calendar
Napolcom Saludo Hotline inilunsad sa Rizal
PORMAL na inilunsad ang Napolcom Saludo Hotline sa Rizal nitong Enero 20, 2026 sa Ynares Event Center bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na kilalanin, purihin, at suportahan ang mga kapuri-puring gawa ng kapulisan sa Calabarzon.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng National Police Commission (NAPOLCOM) Region IV-A sa pamumuno ni Regional Director Dir. Julieta P Rañeses, MNSA, CESO IV, katuwang si Atty. Maclord M Talamayan, Provincial Director NAPOLCOM-Rizal na nagbigay-diin sa layunin ng programa na mabigyan ng boses ang publiko upang kilalanin ang mga pulis na nagpapakita ng integridad, malasakit, at tapat na paglilingkod sa komunidad.
Buong suporta naman ang ipinahayag ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO) sa pamumuno ni Police Colonel Feloteo A Gonzalgo, Provincial Director, na kinatawan ni Police Lieutenant Colonel Rodolfo G Santiago II, Deputy Provincial Director for Administration. Ang aktibidad ay isinuperbisa ng Provincial Community Affairs and Development Unit (PCADU) sa pangunguna ni Police Lieutenant Colonel Christine Al Marie B Valenzona, Chief, PCADU.
Dumalo rin sa nasabing paglulunsad ang iba’t ibang sektor ng lipunan kabilang ang mga religious leaders, barangay leaders, force multipliers, at mga kasapi ng Provincial Advisory Group for Police Transformation and Development (PAGPTD), na nagpahayag ng kanilang suporta sa programang naglalayong palakasin ang tiwala ng publiko sa hanay ng kapulisan.
Naging panauhing pandangal sa okasyon si Rizal Gov. Nina Ricci A Ynares, na kinatawan ni Honorable Rey H San Juan, 2nd District Board Member ng Rizal.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng Saludo Hotline bilang isang mekanismo upang kilalanin ang kabutihang-loob at sakripisyo ng mga pulis, at bilang simbolo ng patuloy na pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan sa mga law enforcement agencies para sa kapayapaan at kaayusan ng lalawigan.
Ang Napolcom Saludo Hotline ay isang inisyatiba na nagbibigay-daan sa publiko na mag-report at magbigay-pugay sa mga pulis na nagsasagawa ng mabubuting gawa, sa pamamagitan ng SMS, Viber (0992-099-0933), at email (napolcom4a.saludohotline@gmail.com) bilang suporta sa adbokasiya ng PNP para sa transformational leadership at community-oriented policing.

