Calendar
3-MRT ni Torre suportado ng buo ng publiko — survey
ISANG survey ukol sa bisa at kahalagahan ng ‘3-Minute Response Time (3-MRT)’ program ng hepe ng Philippine National Police (PNP) na si General Nicolas D. Torre III ang nagpakita na lubos nang alam ng mga Pilipino ang nasabing programa at mataas ang kumpiyansa nila na ito’y magiging opisyal na polisiya ng PNP upang maprotektahan ang publiko 24/7, ayon sa Journal Group.
Ang ika-31 na hepe ng PNP at kauna-unahang punong pulis mula sa Philippine National Police Academy (PNPA) ay nagpahayag ng layuning maipatupad ang 3-MRT program sa buong Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon. Habang nasa unang yugto pa lamang ang programa, iniutos muna niya ang pagpapatupad ng 5-Minute Response Time sa kanyang mga tauhan.
“Mahal naming mga kababayan, huwag niyo na kaming hanapin sa mga presinto sapagkat kami ay nasa inyong mga telepono. I-dial ang 911 at darating kami sa loob ng limang minuto,” ani Torre, miyembro ng PNPA ‘Tagapaglunsad’ Class of 1993, kasabay ng utos sa lahat ng field commanders na maging bihasa sa paggamit ng police radios para sa mabilis na pag-uutos mula sa kanilang command centers anumang oras.
Ang survey na isinagawa ng PNP Directorate for Police-Community Relations ay nagtala ng halos 33,000 respondents na tinanong ukol sa kanilang kaalaman, karanasan, at pananaw sa epekto at pagiging sustainable ng 3-MRT program.
Batay sa datos, 68.94% ng mga sumagot ay mga residente o miyembro ng komunidad — patunay ng malawakang partisipasyon mula sa “grassroots level.”
“Ang mataas na antas ng partisipasyon mula sa publiko ay nagpapakita ng malakas na interes ng komunidad, at nagpapahiwatig na ang programa ay epektibong tumugon sa mga pangangailangan ng karaniwang mamamayan,” ayon sa survey.
Samantala, 17.91% ng mga tumugon ay mula sa Local Government Units (LGUs) — isang senyales ng aktibong pakikilahok ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad o pagsuporta sa naturang inisyatibo.
Mahalaga ang papel ng LGUs bilang tulay ng pambansang programa patungo sa epektibong pagpapatupad sa mga lokal na lugar.
May 12.92% naman na hindi nagbigay ng kanilang organisasyonal na ugnayan — maaaring dahil sa kagustuhang maging anonymous, limitasyon sa disenyo ng survey, o kawalan ng pormal na ugnayan.
Kapansin-pansin na 0.05% lamang ng mga sumagot ay mga pulis.
“Maaaring nagpapahiwatig ito na ang layunin ng survey ay sukatin ang pananaw ng publiko kaysa ng mga tauhan ng kapulisan. O maaaring sadyang nilimitahan ang kanilang partisipasyon upang maiwasan ang bias sa komunidad-based na feedback.”
Sa kabuuan, ipinakita ng datos ng PNP na may malakas na partisipasyon mula sa sibilyan, katamtamang bahagi mula sa LGUs, at minimal na mula sa mga tauhan ng pulisya — isang mahalagang batayan upang maunawaan kung paano tinatanggap ng publiko ang programa.
Ipinakita rin ng survey na 64.89% ng mga sumagot ay naninirahan o nagtatrabaho na sa lugar nang higit sa 3 taon, na nagpapahiwatig ng malalim na kaalaman sa lokal na kalagayan at serbisyong pampubliko bago at habang ipinatutupad ang 3MRT program.
Ang 16.63% ay nasa lugar nang wala pang anim na buwan, habang ang 11.25% ay nasa 1 hanggang 3 taon at 7.23% ay 6 na buwan hanggang 1 taon — mga bagong miyembro ng komunidad na makapagbibigay ng sariwang pananaw ukol sa epekto ng programa.
Ayon sa PNP, ang mataas na porsyento ng mga matagal nang naninirahan sa lugar ay nagpapalakas sa kredibilidad ng mga sagot ukol sa pagbuti ng public safety at response time.
KAALAMAN AT PERSEPSYON
Mula sa kabuuang 32,564 respondents, 23,262 katao o 71.43% ang nagsabing alam nila ang tungkol sa 3MRT program, habang 9,302 o 28.57% ang nagsabing hindi pa nila ito alam.
“Ipinapakita nito na matagumpay ang information drive, ngunit nananatili ang kakulangan sa kaalaman ng halos isang-katlo ng mga mamamayan na maaaring maging hadlang sa mas malawakang suporta,” ayon sa ulat.
Ayon sa PNP, upang mapataas ang kaalaman ng natitirang 28.57%, kailangang palakasin ang komunikasyon, mas palawakin ang abot ng programa sa mga liblib na lugar, at gamitin ang mga network ng LGUs, barangay at community organizations.
KAHALAGAHAN NG 3-MINUTE RESPONSE TIME
Sa tanong kung gaano kahalaga ang 3-minute response time ng pulisya, 28,806 respondents o 88.46% ang nagsabing ito ay mahalaga o lubhang mahalaga.
61.28% (19,955 katao) ang nagsabing Lubhang Mahalagang-Mahalaga
27.18% (8,851 katao) ang nagsabing Mahalaga
“Halos siyam sa bawat sampung Pilipino ang naniniwalang kritikal ang mabilis na tugon ng pulisya sa pagtiyak ng seguridad sa komunidad,” ayon sa survey.
Itinuturing ng PNP na ang mataas na expectation na ito mula sa publiko ay patunay ng kanilang pagnanais ng epektibong presensya ng kapulisan sa panahon ng pangangailangan.
EPEKTO SA KALIGTASAN
51.45% (16,753) ay lubos na sang-ayon na ang 3MRT program ay nagpapabuti sa kaligtasan ng publiko
35.68% (11,619) ay sang-ayon
Sa kabuuan, 87.13% (28,372 katao) ang nagpapahayag ng kumpiyansa sa programa
“Ipinapakita ng datos na mataas ang tiwala ng publiko sa bisa ng 3MRT program bilang pananggalang sa krimen. Ang ganitong suporta ay maaaring magsilbing pundasyon para sa mas malawakang pagpapatupad ng programa sa iba pang mga rehiyon,” ayon sa PNP.

