Batangas SOURCE: Larawan mula sa FB/CIDG

3 ‘paihi’ suspek nalambat sa Batangas

29 Views

BUMAGSAK sa kamay ng mga awtoridad ang tatlong lalaki matapos maaktuhan sa umano’y iligal na “paihi” o palihim na paglilipat ng produktong petrolyo sa Barangay San Pedro, Bauan, Batangas nitong madaling-araw ng Mayo 7.

Sa isinagawang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Batangas Provincial Field Unit kasama ang mga lokal na pulis, nadiskubre ang umano’y ilegal na bentahan at distribusyon ng petroleum products na matagal nang minamanmanan ng mga awtoridad.

Naaresto ang mga suspek na kinilalang alyas “Mar,” “Win,” at “Boy,” matapos mahuling nagsasalin o sumisiphon ng langis mula sa isang tanker truck papunta sa mga lalagyan tulad ng Intermediate Bulk Containers (IBCs) at mga drum, nang walang pahintulot mula sa Department of Energy (DOE).

Nasamsam sa operasyon ang isang tanker truck na may kargang tinatayang 20,000 litro ng petroleum products, anim na IBC na puno ng diesel, apat na drum na may unleaded gasoline, isang IBC tank na kalahati ang laman ng gasolina, at iba pang kagamitang ginagamit sa “paihi” operation. Tinatayang nasa ₱5.534 milyon ang kabuuang halaga ng mga ebidensya.

Ayon sa CIDG, mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 33 at Presidential Decree 1865 ang pagbebenta, distribusyon, at paglilipat ng produktong petrolyo nang walang kaukulang lisensya o awtorisasyon mula sa gobyerno.

Patuloy namang iniimbestigahan ang pinagmulan at destinasyon ng mga nakumpiskang produktong petrolyo, habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga suspek. Sinabi ng CIDG na paiigtingin pa ang operasyon laban sa mga ilegal na aktibidad sa industriya ng langis sa iba’t ibang bahagi ng bansa.