Calendar
3 PH nars na nasangkot sa aksidente sa KSA agad tinulungan ng DMW
AGAD na nagbigay ng tulong ang Department of Migrant Workers (DMW), sa pamamagitan ng Migrant Workers Office (MWO) sa Jeddah, sa tatlong Pilipinong nars na nasangkot sa isang aksidente sa kalsada sa Tabuk, Kaharian ng Saudi Arabia (KSA), noong Enero 31, 2026. Isa sa mga nars ang nakumpirmang pumanaw.
Ayon kay Labor Attaché Fidel A. Macauyag, matapos matanggap ang ulat hinggil sa insidente at sa utos ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, agad na nagpadala ang MWO-Jeddah ng apat na kinatawan patungong Tabuk upang matiyak na mabigyan ng wastong medikal na atensyon at tulong ang mga biktima.
Batay sa paunang ulat, pauwi na mula sa Tabuk Park Mall ang tatlong nars nang mangyari ang aksidente. Agad namang naaresto ang pinaghihinalaang drayber at kasalukuyang iniimbestigahan ng lokal na pulisya. Isa sa mga nasugatang nars ang inilipat sa Riyadh para sa karagdagang gamutan at operasyon.
Kasalukuyan ding tinutulungan ng DMW ang pamilya ng pumanaw na overseas Filipino worker (OFW) upang mapabilis ang repatriation ng kanyang labi, kabilang ang pagproseso ng mga kinakailangang dokumento. Naabisuhan na rin ang mga pamilya at ang mga itinalagang next of kin (NOK) hinggil sa insidente.
Patuloy na binabantayan ng DMW ang kalagayan ng mga nasugatang nars at nananatiling nakatuon sa pagbibigay ng buong suporta sa mga biktima at kanilang pamilya.

