Winter

25 KATAO NASAWI SANHI NG WINTER STORM SA AMERIKA

147 Views

UMABOT sa 25 katao ang nasawi sa iba’t ibang parte ng Amerika kaugnay ng matinding hagupit ng winter storm, ayon sa report.

Patuloy na tumataas ang bilang ng mga namatay dahil sa malaking bagyong taglamig noong katapusan ng linggo.

Ang paghagupit ng winter storm ay nagdulot na kawalan ng kuryente sa iba-ibang lugar, walang tigil na ulan at pagbagsak ng yelo na nagdulot ng mga pagsasara sa mga kalyeng apektado ng niyebe, na naging sanhi ng maramihang aksidente ng mga sasakyan.

Sa New York City, sinabi ng tanggapan ni Mayor Zohran Mamdani na hindi bababa sa walong katao ang natagpuang patay habang bumagsak ang temperatura sa pagitan ng Sabado at Lunes ng umaga, bagaman patuloy pa ring iniimbestigahan ang sanhi ng kanilang pagkamatay.

Sa Emporia, Kansas, hinanap ng mga pulis ang isang gurong nawawala gamit ang mga bloodhound at nakita itong patay nang matabunan ng niyebe.

Sinabi ng pulisya na dalawang katao ang nasawi nang aksidenteng mabangga ng mga snowplow sa Norwood, Massachusetts, at Dayton, Ohio.

Dalawang tinedyer, isa sa Arkansas at isa pa sa Texas, ang namatay sa mga aksidente sa pag-sledding sa gitna ng tindi ng yelo.

Iniulat ng mga opisyal ang tig-tatlong indibidwal na namatay sa Louisiana, Pennsylvania at Tennessee, habang dalawa ang ideneklarang nasawi sa Mississippi at isa sa New Jersey.

Kasama sa kabuuang bilang ang mga nasawi mula sa pagbagsak ng isang eroplano sa Bangor, Maine, na ikinamatay ng lahat ng pitong pasahero.