Rape

37-anyos na tiyuhin arestado sa panghahalay sa pamangkin

340 Views

ARESTADO ang 37-anyos na kelot na nahaharap sa kasong qualified rape matapos gapangin at puwersahang halayin ang sariling pamangkin sa Parañaque City.

Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Parañaque City Regional Trial Court Branch 260 noong Agosto 24, 2026, dinakip ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor si alyas “Edmund” matapos matunton sa pinagtaguang lugar sa C5 Road, Barangay San Dionisio noong Biyernes ng umaga.

Ayon kay Parañaque police chief P/Col. Nicolas Piñon, isinagawa nila ang malawakang pagtugis sa akusado na nasa Top 9 Most Wanted Person sa buong SPD, matapos takasan ang kasong panghahalay na isinampa laban sa kanya ng sariling pamangkin.

Sinabi ni Col. Piñon na walang piyansang inirekomenda ang korte para sa paglaya ni alyas Edmund dahil ang pagiging malapit niyang kaanak ang nakapagpabigat sa nagawa niyang krimen na nakabatay sa ilalim ng Article 266-B ng Revised Penal Code na naamyendahan ng R.A. 8353o ang Anti-Rape Law.

Pansamantalang nakapiit sa custodial facility ng Paranaque Police Station ang akusado habang hinihintay pa ang paglalabas ng utos na hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Paranaque City Jail.