377 pabahay ipinamahagi sa benepisyaryo sa Cotabato

Jun I Legaspi Apr 17, 2026
35 Views

ITI-NURNOVER ng National Housing Authority (NHA)-Region 12 ang 377 housing projects sa mga benepisyaryo sa Brgy. Magbok, Tulunan, Cotabato.

Sa ilalim ng pamamahala ni NHA General Manager Joeben Tai, pinangunahan nina NHA Region XII Manager Engr. Zenaida Cabiles at Kidapawan District Manager Joel Reintar ang turnover sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol sa Mindanao noong 2019.

Ipinatupad sa ilalim ng Housing Assistance Program for Calamity Victims (HAPCV) ng ahensya, ang proyekto ay mayroong 27.5-sq.m single-detached units na may sala, kwarto, kusina, banyo, linya ng tubig, kuryente at poso negro.

Itinayo ng NHA ang mga pabahay sa 4 na project sites sa Tulunan, partikular sa mga barangay ng New Caridad (52), Paraiso (140), Batang (63) at Magbok (122).

Namahagi din ang ahensya ng mga sertipiko ng paggawad sa mga kwalipikadong benepisyaryo na patunay ng kanilang pagtanggap ng mga pabahay.

Nagpasalamat si Cabiles sa mga stakeholder ng ahensya, habang kinikilala ang paghihintay ng mga benepisyaryo sa pagtatapos ng proyekto at pinaalalahanan sila hinggil sa pagpapanatili ng maayos na kondisyon ng mga yunit ng pabahay.

Ang kaganapan ay dinaluhan din ni Cotabato Province Governor Emmylou “Lala” Talino-Mendoza, Tulunan Mayor Lee Roy Villasor at Office of the Civil Defense (OCD) 12 Director Rodrigo Sosmena.

Ang NHA, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay patuloy na makikipagtulungan sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor upang matiyak ang pagtatayo ng mga de-kalidad at disaster-resilient na mga pabahay.