Batangas

4 laglag sa raid sa Batangas drug den

39 Views

Batangas1

KAMPO HENERAL MALVAR, Lungsod ng Batangas — Nalansag noong Lunes ng mga awtoridad ang isang kuta ng ilegal na droga na nagresulta sa pagkakakulong ng apat na hinihinalang tulak at gumagamit sa Barangay 23 sa lungsod na ito.

Sa ulat mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Batangas Provincial Office, ikinasa ang magkasanib na operasyon bandang alas-4:10 ng hapon kasama ang Batangas City Police Station at PNP Maritime Group.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga nadakip na sina alyas Budo, 49; alyas Karla, 32; alyas Harold, 43; at isa pang alyas Erwin, 54, na pawang mga residente ng nabanggit na lungsod.

Nalambat ang mga suspek matapos bentahan ng hinihinalang ilegal na droga ang isang operatiba na umaktong poseur-buyer.

Nasamsam sa operasyon ang tinatayang limang gramo ng hinihinalang shabu na may street value na humigit-kumulang ₱34,000; marked money na ginamit sa transaksyon at iba’t ibang uri ng drug paraphernalia.

Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, tiniyak ng PDEA Region 4A na lalo pa nilang paiigtingin ang pagsisikap katuwang ang iba pang sangay ng batas upang tuluyang linisin ang mga komunidad sa rehiyon laban sa talamak na bentahan ng droga.