SUV

SUV sumalpok sa tricycle sa Batangas; 5 tepok, 5 sugatan

55 Views

SUV1SUV2

BATANGAS — Kahambal-hambal ang sinapit noong Martes ng limang pasahero ng traysikel na nasawi nang masalpok ang kanilang sasakyan ng sports utility vehicle (SUV) na minamaneho ng isang 66-anyos na lola sa Brgy. Abung, San Juan, Batangas, ayon sa report ng pulisya.

Agad na binawian ng buhay sina alyas Shaina, Elvira, Diana, John, at isang hindi pa nakikilalang babae matapos magtamo ng matitinding pinsala sa katawan.

Sugatan din at kasalukuyang nakikipaglaban sa kamatayan ang drayber ng traysikel na si alyas Arjay, ang dalawang-taong gulang na bata na si alyas Nathan, at isa pang babae.

Sa ulat ng San Juan Municipal Police Station (MPS), nag-overtake umano at biglang lumiko pakaliwa ang puting Honda Mobilio SUV na minamaneho ng suspek na si alyas Maria, dahilan upang makapasok ito sa linya ng paparating na traysikel.

Dahil sa tindi ng salpukan, nasira rin ang harapang bahagi ng isang coaster bus matapos itong matamaan ng mga naglipanang piraso ng mga nasirang sasakyan.

Kasalukuyang nakakulong sa selda ng San Juan MPS si alyas Maria na nahaharap ngayon sa patung-patong na kasong kriminal habang inaayos na ng mga awtoridad ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang reklamo sa piskalya.