Boga

4 na revolver na walang papel nasamsam sa iba’t ibang lugar

Edd Reyes Sep 12, 2026
128 Views

Boga1Boga2APAT na kalibre .38 revolver na walang mga kaukulang dokumento at mga bala ang nasamsam ng pulisya sa magkakahiwalay na operasyon Biyernes ng hapon hanggang gabi sa mga Lungsod ng Las Piñas, Muntilupa at Pasay.

Pinasok ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor sa bisa ng inilabas na search warrant ni 1st Vice Executive Judge Mildred Hacinto Marquez ang bahay ni alyas “John” sa Sitaw St. Evergreen Subdivision, Barangay Pulanglupa Uno, Las Piñas City dakong alas-11:30 ng gabi na nagresulta sa kanyang pagkakadakip at pagkakasamsam sa dalawa niyang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na may tig-apat na bala sa chamber.

Dakong alas-10:15 ng gabi nang dakpin ng mga tauhan ng Cupang Police Sub-Station si alyas “Jess”, 45, sa isang barong-barong sa Barangay Cupang, PNR Site, Purok 2 matapos ireklamo ng mga residente ng paghahasik ng sindak habang armado ng hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala na kalaunan ay nakumpiska sa kanya ng pulisya.

Nauna rito, natiyempuhan ng mga nagpapatrulyang tauhan ng Pasay Police Sub-Station 6 dakong alas-3:15 ng hapon ang grupo ng mga kalalakihang nagsusugal ng cara y cruz sa S. De Guzman St. Brgy 165.

Nagtakbuhan ang mga kalalakihan nang mapuna ang mga pulis kaya’t tanging sina alyas “Andrew” 37, na nakuhanan ng hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala, at alyas “Sanny”, 56, na kapuwa miyembro ng Sputnik Gang ang nasakote ng pulisya.

Ayon kay BGen. Pastor, patuloy ang pagtugis nila sa mga nag-iingat ng hindi lisensiyadong baril upang matiyak ang kaligtasan ng bawat komunidad mula sa mga grupong sangkot sa kriminalidad.