Calendar
PAGTUTULUNGAN PARA SA EDUKASYONG PINANSYAL NG MGA PASIGUEÑO – (Mula kaliwa pakanan) Ipinapakita nina BDO Foundation President Mario Deriquito, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Deputy Governor Bernadette Romulo-Puyat, Pasig City Mayor Vico Sotto, Pasig City Administrator Atty. Jeronimo Manzanero, at BDO Foundation Trustee Evelyn Salagubang ang kopya ng nilagdaang memorandum of agreement. (Larawan mula sa BSP)
Pasig pinalawak program sa edukasyong pinansyal para sa mga residente


LUNGSOD NG PASIG — Magkakaroon na ng pagkakataon ang mga Pasigueñong kabilang sa mga sektor na nakararanas ng hamong pinansyal na matuto ng praktikal na paraan ng pamamahala ng pera, mapalakas ang kanilang kabuhayan, at magkaroon ng mas matatag na pundasyong pinansyal para sa hinaharap.
Bilang bahagi ng layunin ng pamahalaang lungsod na maisulong ang mabuting pamamahala at mas tumutugong serbisyo publiko, nakipagtulungan ang BDO Foundation at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig upang palawakin ang programa sa edukasyong pinansyal para sa iba’t ibang sektor ng komunidad.
Kabilang sa mga makikinabang ang mga pamilyang nailipat ng tirahan, mga micro-entrepreneur, mga indibidwal na sumasailalim sa pagbabagong-buhay matapos ang paggamit ng droga, mga solo parent, mga taong may kapansanan, mga senior citizen, at iba pang nangangailangan ng dagdag na kaalaman sa pamamahala ng pananalapi.
Alinsunod sa National Strategy for Financial Inclusion ng BSP, layunin ng programa na suportahan ang mga umiiral na inisyatiba ng lokal na pamahalaan para sa kabuhayan at muling pagsasama sa lipunan ng mga benepisyaryo.
“Matapos nilang makumpleto ang pagsasanay sa kabuhayan at pagpapaunlad ng kasanayan, mahalaga rin na matutunan nila kung paano pamahalaan at mapanatili ang kanilang negosyo,” pahayag ni Zenaida Concepcion, officer-in-charge ng Pasig City Anti-Drug Abuse Office.
Ayon kay Concepcion, may mga tulong pinansyal na maaaring makuha mula sa lokal na pamahalaan, ngunit mahalaga rin ang edukasyong pinansyal upang matulungan ang mga benepisyaryo na gumawa ng mas matalinong desisyon at mapabuti ang kanilang pamumuhay.
Para naman kay Mario A. Deriquito, pangulo ng BDO Foundation, ang programa ay hindi lamang makatutulong sa mga pamilya at komunidad kundi makapag-aambag din sa mas malawak na layunin ng pag-unlad ng bansa.
“Ang pagbibigay sa mga tao ng kaalaman tungkol sa pananalapi ay nakatutulong sa pagpapatatag ng mga pamilya at komunidad, gayundin sa pagsusulong ng mga layunin tulad ng pagbabawas ng kahirapan, pagtataguyod ng disenteng trabaho, at pagbuo ng inklusibo at napapanatiling lipunan,” ani Deriquito.
Ang inisyatiba ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng BDO Foundation sa pagsusulong ng edukasyong pinansyal. Isinasagawa ito katuwang ang BSP at iba’t ibang organisasyon mula sa pampubliko at pribadong sektor upang matulungan ang mas maraming Pilipino na magkaroon ng wastong gawi sa paghawak ng pera at makamit ang mas ligtas na kalagayang pinansyal.

