Cabanatuan

5 tulak, laglag; P400K na shabu nasamsam sa Cabanatuan

Steve A. Gosuico Mar 14, 2026
277 Views

CAMP GEN. MARIANO LLANERA, Cabanatuan City–Umaabot sa mahigit P400,000 na halaga ng shabu ang nasamsam at limang suspek na tulak ng ilegal na droga ang naaresto sa lungsod na ito noong Biyernes.

Naganap ang anti-drug operations tatlong araw matapos maupo si P/Col. Ritchie Claravall bilang bagong Nueva Ecija police chief.

Kinilala ang dalawang tulak na naaresto na parehong 45-anyos na nahuli sa Brgy. Hermogenes Concepcion Sr. bandang alas-10:43 ng gabi noong Biyernes.

Nakumpiska sa operasyon ang humigit-kumulang 57.70 gramo ng shabu.

Tatlo pang suspek sa droga ang naaresto sa Brgy. General Luna, Cabanatuan City at 2.34 na gramo ng shabu ang nakumpiska.

Sa kabuuan, 60.04 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P408,272 ang nakumpiska sa magkasunod na operasyon.

Ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Cabanatuan City police habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa limang naaresto.

“Ang mga matagumpay na operasyong ito ay sumasalamin sa walang humpay na kampanya laban sa ilegal na droga sa probinsya,” sabi ni P/Col. Claravall.

Ang mga operasyon ay isinagawa alinsunod sa mga direktiba ni P/Brig. Gen. Jess Mendez, Police Regional Office-3 director.