BBM Si presidential frontrunner, dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

73 sa 81 gubernador ng bansa suportado si BBM

333 Views

SUMUPORTA na sa presidential bid ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang 73 sa 81 gubernador sa bansa.

Nangako ang mga gubernador na titiyakin ang landslide victory ni Marcos sa paparating na May 9 elections.

Noong Linggo ay pumunta ang 16 na gubernador sa BBM Headquarters sa Mandaluyong City upang ipahayag ang kanilang suporta.

“Yung sinabi ni Chavit (Singson) na almost 90 percent ng governors are already for Bongbong. Totoo yun. Right now we have a new President,” sabi ni Quezon Gov. Danilo Suarez na ang tinutukoy ay ang pahayag ni Narvacan, Ilocos Sur Mayor at League of Municipalities of the Philippines President Luis Chavit Singson.

Ayon kay Suarez wala na itong nakikitang pangyayari na magpapabago pa sa inaasahang panalo ni Marcos.

“Doble kayod pa rin tayo kahit sigurado na ang panalo natin. Kailangan ipakita natin na siya ang kauna-unahang majority president,” dagdag pa ni Suarez.

Sinabi naman ni Isabela Gov. Rodito Albano na sigurado na ang panalo ni BBM sa kanyang probinsya kahit hindi na ito ikampanya.

Nangako naman si Batangas Gov. Hermilando Mandanas na poproteksyunan ang boot ni BBM sa kanyang probinsya.

Kumpiyansa naman si Bohol Gov. Arthur Yap na boboto kay BBM ang nakararaming Boholano. Sa huling survey sa probinsya nakakuha umano si BBM ng 54 porsyento.

Kasama sa pumunta sa BBM headquarters sina Governors Dax Cua (Quirino), Susan Yap (Tarlac), Jose Riano (Romblon), Florencio Miraflores (Aklan), Philip Tan (Misamis Occidental), Eduardo Gadiano (Mindoro Occidental), Alexander Pimentel (Surigao del Sur), Bonifacio Lacwasan (Mountain Province), Suharto Mangudadatu (Sultan Kudarat), at dating Rizal Gov. Jun Ynares III.