Calendar
82 probinsya may P20/kilo bigas na
NAKUMPLETO na ng Department of Agriculture (DA) ang roll out ng programang Benteng Bigas, Meron Na! sa huling paglulunsad nito sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Nasa 82 probinsiya na ang nagbebenta ng P20 kada kilo ng bigas lalo na sa mga malalayong lugar at conflict-affected area.
Ayon kay DA Assistant Secretary Genevieve Guevarra, layunin ng programa na iangat ang kabuhayan ng bawat Pilipino, palakasin ang produksiyon at tinitiyak na lahat ng Pilipino kahit ano pa ang kultura o relihiyon, ay makikinabang sa programa.
Mapapalawig ang access sa mas murang bigas sa pag-rollout ng programa sa mga bayan ng Barira, Buldon, Matanog, Sultan Kudarat at Sultan Mastura.
Naipapakita rin dito ang malakas na kooperasyon sa pagitan ng national government at ang Bangsamoro Autonomous Region sa Muslim Mindanao (BARMM), partikular na sa pagtatag ng livelihood opportunities at pinapatatag ang agricultural value chains sa rehiyon.
“The fulfillment of the P20 rice project would not have been possible without the unified action and collaboration of various government agencies,” ani Guevarra.
Sa kasalukuyan, nakatatag na ang DA ng may 429 site ng P20 kada kilo na programa sa buong bansa.
Sa susunod na taon, target ng DA na maabot ang may 15 milyong kabahayan na siyang senyales ng mas malalim na market penetration at malakas na suporta sa mga magsasaka.

