Leptos

89 bagong kaso ng leptos sa Maynila, 2 pa tigok

Edd Reyes Aug 26, 2026
19 Views

IskoUMABOT na sa bilang na 17 ang nasawi sa sakit na leptospirosis mula sa 15 simula noong Enero, 2026 hanggang sa kasalukuyan, matapos maiulat ang panibagong pagkasawi ng dalawa pa, araw ng Miyerkules, sa Lungsod ng Maynila.

Sa inilabas na ulat ng Manila Health Department (MHD) sa ilalim ng pamumuno ni Dra. Grace Padilla, sumipa sa 89 ang naitala nilang bagong kaso ng Leptospirosis sa araw ng Miyerkules kaya’t umabot na sa bilang na 356 ang kabuuang bilang ng kaso ng naturang sakit.

Bukod sa Leptospirosis, nakapagtala rin ang MHD sa kanilang “Daily W.I.L.D. (Water-borne, Influenza-like illnesses, Leptospirosis, Dengue) Disease Surveillance Update ng mga bagong kaso sa araw ng Miyerkules ng Dengue na umabot sa 40, 14 ng Influenza-like Illness, limang Severe Acute Respiratory Infection, at isang Covid-19, habang wala namang iniulat na karagdagang nasawi sa naturang mga sakit.

Kaugnay nito, naglabas na rin ng abiso ang Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) na nagpapabatid sa publiko na nasa “full capacity” na ang kanilang Emergency Room sa nakalipas na dalawang araw bunga ng patuloy na pagdami ng pasyenteng nangangailangan ng agarang atensiyong medikal, kabilang dito ang mga hinihinala at kompirmadong sakit ng Leptospirosis.

Pinaalalahanan ng pamunuan ang mga pasyente na nangangailangan ng emergency care na habaan ang pasensiya at tiniyak na mabibigyan din sila ng tamang atensiyon o kaya ay maililipat sila sa ibang pinakamalapit na pagamutan na may kakayahan pang tumanggap ng karagdagang pasyente lalu na’t palagi silang may nakahandang ambulansiya para sa paglilipat ng pasyente.

Samantala, iniutos ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang agresibo at malawakang kampanya laban sa leptospirosis at inatasan sa mga health workers na lumabas at magbahay-bahay sa komunidad sa halip na maghintay ng pagdating ng pasyente.

Bago ang kanyang “Talk to the People” Facebook livestream, pinulong muna ng alkalde sina City Health Officer OIC Dr. Grace Padilla at mga director ng pitong pampublikong pagamutan na nasa ilalim ng pangangalaga ng lokal na pamahalaan upang talakayin ang paglobo ng bilang ng mga tinatamaan ng naturang sakit.

Ipinatawag din ni Mayor Isko Moreno si Public Information Officer Julius N. Leonen at mga information officer ng lahat ng departamento, kawanihan, at mga tanggapan upang mabilis na isagawa ang agresibong kampanya sa lahat ng channel.

“Ibaliktad natin yung sitwasyon: na hindi na tayo ang hanapin, tayo na ang humanap sa mga posibleng na-expose sa baha at nakararamdam ng ilang sintomas ng impeksyon ng leptospirosis,” pahayag ng alkalde sa livestream.

“Ako ay taos-pusong nakikiramay sa limang pamilya ng mga sumakabilang-buhay ito lamang pong linggong ito,” sabi pa ng alkalde.

Nagbabala rin ang alkalde sa inaasahan pang pagdami ng kaso ng leptospirosis dahil may dalawang linggong incubation period upang maramdaman ito ng taong lumusong sa baha noong Agosto 17 at 18.