Calendar
Buong SB nasa session upang talakayin ang panukalang ordinansa sa “anti-topless or half-naked” ordinance nitong Lunes. Mga litrato ni STEVE A. GOSUICO
BRAINSTORMING NG ECIJA SB PARA SA “ANTI-TOPLESS O HALF-NAKED IN PUBLIC PLACES ORDINANCE” ISINAGAWA

SAN ANTONIO, Nueva Ecija – Naging mabunga ang isinagawang “brainstorming” ng Sangguniang Bayan dito kasama ang buong 16 na barangay captains at Sangguniang Kabataan leaders hinggil sa pagrepaso ng panukalang pambayang ordinansa na tinawag na “Anti-Topless (Shirtless or Half-Naked) in Public Places Ordinance.”
Tinalakay sa unang pagdinig ang nasabing panukala ng SB sa pangunguna ni Presiding Officer at Vice Mayor Arvin C. Salonga bilang pagsunod sa Safer Cities Initiative ng Department of Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police (PNP) na maging ligtas ang komunidad, maiba-ba ang crime rates at mapanatili ang public order sa bansa.
Kasama din sa talakayan si municipal police head Major Ernesto V. Esguerra, ABC president Emiliano C. Zapata, SK Federation President Jethro Mer I. Dela Cruz at SK Nueva Ecija Federation president-Board Member Armella Kate G. Cruz.
Isa sa naging sentro ng usapan ay ang Section 8 (Penalties and Fines) ng nasabing panukalang Mun. Ordinance 189, series of 2026 kung saan may pataw sa lumabag nito sa first offense na parusang warning and/or community service of not less than eight hours; 2nd offense na: multa na P1,000; 3rd offense at susunod na paglabag na multang P2,500 or imprisonment of not more than six months, or both at the discretion of the court.
Tumayo si Bgy, Chairman Odjie Dionisio ng Papaya at iminungkahi niya na ibaba sa P500 ang multa sa 2nd offense na may kasamang community service at P1,500 sa 3rd offense plus community service.
Ang tanong naman ni Kapitana Rita Y. Concepcion ng Bgy. Sto. Cristo ay kung huhuhulin din daw ba ng mga menor na edad na kinse anyos pababa kapag lumabag sa nasabing ordinansa.
Sumagot din si SB member Rowena S. Umali at sinabing baka mas lalong lumakas ang loob ng sinuman na lumabag sa nasabing ordinansa kung masyadong mababa ang maging multa para dito.
Ibinato naman ni Kapitan Dave E. Garcia ng Bgy. Maugat kung kanino ite-turn-over ang mga nahuling lumabag sa barangay at sinagot ito ni SB member Arvin Carl C. Salonga na dadalhin sila sa istasyon ng pulisya upang iproseso.
Ayon sa panukalang ordinansa, ang kapulisan, mga opisyal ng barangay at mga tanod, kasama ang local enforcement officers ng LGU ang siyang may kapangyarihan na magpatupad nito.
Sinabi ni Konsehal Salonga, muling ise-set ang susunod na public hearing upang maisa-pinal ang bersyon ng nasabing ordinansa.

