Calendar
Bangkay ng matandang binata, 67, lumutang na parang isda sa Lian

LIAN, BATANGAS — Isang bangkay ng 67-anyos na lalaki ang natagpuan noong Lunes ng isang mangingisda na nakalutang sa ilog na sakop ng Brgy. San Diego sa bayang ito.
Kinilala ng Lian Municipal Police Station (MPS) ang biktima na si alyas Reynaldo, walang asawa, at residente ng Sitio Halang, Brgy. Bungahan ng nasabing bayan.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-9:00 ng umaga nang umalis ng bahay ang biktima para magtungo sa dagat at manghuli ng maliliit na hipon.
Subalit dakong alas-3:30 ng hapon, nakita na lamang itong palutang-lutang sa ilog malapit sa Brgy. Bungahan ng mangingisdang si Jay-ar Javier Eladio, na agad humingi ng saklolo.
Mabilis na rumesponde ang mga patroller ng Lian MPS sa pamumuno ni PEMS Isagani Zara at dinala ang biktima sa Apacible Memorial Hospital kung saan idineklara itong dead on arrival (DOA) ng sumuring duktor na si Dr. Jerome Dela Trinidad.
Sa isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alamang walang nakitang indikasyon ng anumang krimen o foul play sa pagkamatay ng biktima.

