Calendar
Kamara inaprubahan sa ikatlo, huling pagbasa panukalang pagpapalakas sa Philippine Coast Guard
LAYUNING palakasin ang kakayahan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pagbabantay sa karagatan at pagpapatupad ng mga batas pandagat, ayon kay Romblon Lone District Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona.
Sinabi ni Madrona, chairman ng House Committee on Tourism, na inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 11562 na naglalayong palakasin ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pangangalaga sa karagatang sakop ng bansa at pagpapatupad ng mga batas pandagat.
Ayon kay Madrona, sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos, layunin ng panukalang batas na magsagawa ng mga reporma sa mga patakaran at organisasyon ng PCG upang higit na mapahusay ang kakayahan nito sa pagtupad sa mga tungkulin.
Pinamagatang “An Act Strengthening the Philippine Coast Guard by Introducing Policy and Organizational Reforms,” ang panukala ay mas kilala bilang “Revised Philippine Coast Guard Law.”
Sinabi pa ni Madrona, isa sa mga pangunahing may-akda ng panukala, napapanahon ang pagpapatibay nito sa gitna ng tumitinding tensiyon sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin ni Madrona ang mahalagang papel ng Philippine Coast Guard hindi lamang sa pagtugon sa mga sakuna at kalamidad, kundi maging sa pangangalaga sa mga karapatan at interes ng Pilipinas sa mga pinagtatalunang karagatan.
Kabilang sa mga lugar na binabantayan ng PCG ang Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc, na matatagpuan sa karagatang sakop ng Zambales at Pangasinan, at ang Ayungin Shoal na malapit sa Pag-asa Island sa Palawan.
Ayon pa sa beteranong mambabatas, nangangailangan ang mahahalagang tungkuling ito ng sapat na kapangyarihan, kagamitan, pasilidad at tauhan upang matiyak na epektibong magagampanan ng PCG ang mandato nito.
Dagdag pa niya, makatutulong ang mga repormang nakapaloob sa panukala upang higit na malinaw na maitatag ang mga kapangyarihan ng ahensiya, gayundin ang wastong pag-uuri sa mga ranggo ng mga tauhan nito at ang haba ng kanilang panunungkulan.
Pinagsama-sama sa House Bill No. 11562 ang 15 magkakaugnay na panukalang inihain ng mga miyembro ng Kamara. Inendorso rin ito ng mga komite ng Kamara para sa appropriations, transportation, at ways and means.
Sa ilalim ng panukala, mananatiling isang armado at nakaunipormeng serbisyo sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) ang Philippine Coast Guard.
Gayunman, kapag nagkaroon ng digmaang idineklara ng Kongreso, maaaring ilagay ang PCG o ang ilang bahagi nito sa ilalim ng Department of National Defense (DND).
Pangungunahan ang PCG ng isang commandant na may ranggong admiral, na tutulungan ng dalawang deputy commandant—ang isa ay nakatalaga sa operasyon at ang isa naman sa administrasyon.
Magkakaroon din ang ahensiya ng tatlong pangunahing command na nakatuon sa mga sumusunod:
– Maritime Services – para sa mga serbisyong may kaugnayan sa mga gawaing pandagat.
– Marine Environmental Protection – para sa pangangalaga at proteksiyon sa kapaligirang pandagat.
– Maritime Security Law Enforcement – para sa pagpapatupad ng mga batas na may kaugnayan sa seguridad sa karagatan.
Pinahihintulutan din ng panukala ang PCG commandant na muling isaayos, baguhin o lumikha ng mga command, distrito, serbisyo at yunit upang mapahusay ang kahusayan sa operasyon at ang sistema ng pamumuno ng ahensiya.
Gayunman, ang mga pagbabagong ito ay sasailalim sa rekomendasyon ng kalihim ng DOTr at pag-apruba ng Department of Budget and Management (DBM).
Itinatakda rin ng panukala ang mga kapangyarihan at tungkulin ng PCG commandant, na hihirangin ng Pangulo mula sa hanay ng mga flag officer ng ahensiya.

