Calendar
Senado babalik sa pagdinig sa nat’l budget sa Oktubre 14
BABALIK ang Senado sa pagdinig ng panukalang 2027 national budget sa Miyerkules, Oktubre 14, matapos ang dalawa pang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.
Sa panayam ng DZMM nitong Sabado, sinabi ni Gatchalian na wala pa sa kalahati ang natatapos ng Senado sa budget deliberations at marami pang ahensya ang hindi pa naipapatawag.
Kailangang ma-sponsor ang budget sa plenaryo pagbalik ng sesyon sa Nobyembre 9 upang maipasa ito bago matapos ang taon. Kung hindi, babala ni Gatchalian, mapupunta ang bansa sa reenacted budget, na aniya’y hindi makabubuti sa ekonomiya.
Sa Nobyembre 9 din muling magsasabay ang plenaryo at ang paglilitis.
“Hindi pwede masacrifice ang budget for the impeachment and vice versa. Gusto natin quality ng trabaho, quality ng debate, quality ng analysis,” ani Gatchalian, na nagsabing doble rin ang trabaho ng mga staff ng Senado.
Tuloy ang paglilitis sa Lunes at Martes, Oktubre 12 at 13. Tantiya ni Gatchalian, isang araw ang kakailanganin ng defense para sa cross-examination ng financial forensic expert ng prosecution, at isa pang araw para sa mga tanong ng mga senator-judge.
“Kasi alam ko, naniniwala ko mga Sen. Judges natin maraming tanong at dapat magtanong,” aniya.
Sa Miyerkules naman isusumite ng prosecution ang formal offer of evidence. Dahil puro dokumento ito at walang paglilitis, sinabi ni Gatchalian na gagamitin ang natitirang oras sa budget hearings.
Ayon kay Gatchalian, halos 18 taon ng datos mula sa AMLC, mga bangko, insurance at BIR ang pinagtagpi-tagpi ng forensic expert.
“Itong financial forensic expert ang magiging para sa akin, opinion ko lang naman ito, magiging basehan ng decision sa unexplained wealth,” aniya.
Idinagdag niyang hindi ibig sabihin nito na agad maniniwala ang mga senator-judge, at kailangan pa ring suriin ang methodology at lohika ng eksperto.
Hindi na rin maaaring talakayin ng defense ang Article III o ang bribery, na pormal nang inalis ng prosecution, ayon kay Gatchalian.
“Kung anong dinrap ng prosecution hindi na nila dapat i-present kasi wala nang saysay,” aniya.
Ipinaliwanag niyang sapat ang isang artikulo para mahatulan ang Bise Presidente. Kailangang sundin ng defense ang pagkakasunod-sunod ng mga artikulo, pero sila ang pipili ng kanilang mga testigo.
Batay sa pagkakaintindi ni Gatchalian, may sarili ring financial forensic expert ang defense. Sinabi niyang maglalaan ang korte ng mas mahabang oras para sa kampo ni Duterte.
“Pero we’re targeting na hindi na ito tumawid ng bagong taon,” aniya.

