Calendar
Gatchalian sa binaklas na opisina: Gobyerno ang gagastos
KUNG nagkaroon lang sana ng maayos na koordinasyon, hindi naantala ang paglipat ni Senate President Pro Tempore Vicente Sotto III at hindi na gagastos ang gobyerno sa binaklas na opisina ni Sen. Jinggoy Estrada, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.
“Sana nagkaroon ng magandang pag-uusap, sana nagkaroon ng magandang coordination para hindi ma-delay ang paglipat ni Sen Sotto at hindi na gagastos ang gobyerno,” ani Gatchalian sa panayam ng DZMM nitong Sabado.
Kinumpirma rin niyang ininspeksyon ng Office of the Ombudsman ang opisina. “Wala naman silang sinabi kung ano ang pakay,” aniya.
Inatasan ni Gatchalian ang Senate Secretary na makipagtulungan sa Ombudsman. “Ibigay natin ang ating cooperation at mag-assist tayo sa kanilang mga pangangailangan at maging truthful, maging tapat sa mga dokumento,” sabi niya.
Tinulungan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms ang mga taga-Ombudsman sa inspeksyon, gaya ng pakikipagtulungan ng Senado sa PNP at NBI, dagdag niya.
Nag-inspeksyon din ang GSIS ilang araw na ang nakararaan matapos makita ang mga larawan ng opisina. “Ang GSIS concerned sila sa structural integrity ng office dahil sa kanila ang opisina,” ani Gatchalian.
Nang tanungin kung karaniwang gawi ang pag-iwan ng opisina sa susunod na gagamit nito, “Yes” ang sagot ni Gatchalian.
Ikinuwento niyang nang lumipat siya noong 2016, tinanong siya ni Sen. Koko Pimentel kung gusto niya ang opisina nito, dahil kung hindi ay kukunin nito ang mga kasangkapan. Iniwan ni Pimentel ang lahat, pati ang kanyang upuan at mesa.
“In other words may pagbibigay respeto sa isa’t isa para hindi nagkakagulatan na pagpasok mo o bare. At dahil pag bare, gobyerno ang gagastos dahil may budget ng gobyerno para sa renovation,” aniya.
“At of course tutulungan ng Senado para ma-renovate,” dagdag ni Gatchalian.

