Calendar
Speaker Dy: Bawat komunidad ay may kuwento na dapat marinig ng Kongreso
BINIGYANG-DIIN ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang kahalagahan ng pakikinig sa mga hinaing, karanasan at mungkahi ng bawat komunidad upang makabuo ng mga batas na tunay na tutugon sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino.
Ito ang mensahe ni Speaker Dy nang pangunahan niya nito ang ikaanim na bahagi ng “LegisHear Public Consultation Program” ng Kamara de Representantes sa Calamba City, Laguna.
Ayon sa Speaker, bawat pamayanan, mula sa mga sitio, purok at barangay hanggang sa mga bayan at lungsod, ay may kani-kaniyang kuwento, suliranin at pangangailangang dapat marinig ng mga mambabatas.
“Alam ko po, bawat sulok, bawat sitio, bawat purok, bawat barangay, bawat siyudad, bawat bayan may kanya-kanya po tayong kuwento,” sab ni Speaker Dy sa mga dumalo sa ginanap na konsultasyon.
Binigyang-diin pa nito na mahalagang direktang mapakinggan ang mga ordinaryong mamamayan upang higit na maunawaan ng mga mambabatas ang tunay na kalagayan ng kanilang mga nasasakupan.
Ayon kay Dy, makatutulong ang mga karanasan at rekomendasyon ng mga residente, magsasaka, magulang, guro at iba pang sektor upang matukoy ang mga suliraning kinakaharap ng bawat komunidad at kung paano ito matutugunan sa pamamagitan ng mga panukalang batas.
“Importante po kasi ang kontribusyon ng bawat mamamayan nang sa ganoon ay alam natin kung ano ang karapat-dapat nating gawin para po laging mas maging matatag ang pamumuhay, lalong-lalo na po ang ating mga magsasaka,” ayon kay Speaker Dy.
Sinabi ni Speaker Dy na maaaring magkakaiba ang pangangailangan ng bawat pamayanan, kaya mahalagang makuha ang pananaw ng mga mamamayan bago bumuo at magpatibay ng mga batas na makaaapekto sa kanilang pamumuhay.
Partikular na mahalaga ang konsultasyon sa mga panukalang may kaugnayan sa kapakanan ng mga magsasaka, mga bata at iba pang sektor na nangangailangan ng angkop na programa at suporta mula sa pamahalaan.
Isinagawa ang konsultasyon sa Calamba, Laguna, ang bayang sinilangan ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
Sa kaniyang talumpati, inalala ni Dy ang kahalagahan ng pagbibigay ng tinig sa mga Pilipino sa mga usaping nakaaapekto sa kanilang bansa, gayundin ang pagsusulong ng edukasyon, lalo na para sa kabataan.
Ipinaliwanag din nito kung bakit mahalagang dalhin ang LegisHear sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Bakit namin ginagawa ito? Sapagkat unang-una po, napakahalaga na marinig po namin ang inyong tinig,” ani Dy.
Ibinahagi rin ng Speaker na una siyang nakapunta sa Calamba noong siya ay nasa elementarya pa lamang, nang bumisita siya sa tahanan ng pamilya ni Rizal.
Sa kaniyang pagbabalik makalipas ang maraming taon bilang pinuno ng Kamara, nagpasalamat siya sa mga opisyal ng Laguna at sa mga residente sa mainit na pagtanggap sa delegasyon ng Kongreso.
Naghatid naman ng katatawanan sa mga dumalo ang pahayag ni Dy kay Laguna Governor Sol Aragones na hindi lamang ang tanyag na buko pie ng lalawigan ang kanilang iuuwi mula sa pagbisita.
“Kaya hindi lang buko pie ang aming iuuwi kundi lahat ng inyong mga maiaambag para lalo maging maganda ang ating panukalang batas. Iyan ang aming iuuwi doon sa Kongreso,” pahayag pa ni Speaker Dy.
Sa pamamagitan nito, binigyang-diin nito na ang pinakamahalagang bunga ng konsultasyon ay ang mga mungkahi at rekomendasyon ng mga mamamayan na maaaring maging batayan sa pagbuo ng mas makabuluhang batas.

