Calendar
3 magkakaibigan binaril dahil pabalang sumagot, dedo
TODAS ang tatlong magkakaibigan na edad 19, 18 at 16 anyos nang pagbabarilin ng isang lalaki na sinagot nila ng pabalang-balang nang sitahin sila sa pagtambay sa kalsada sa Barangay Batasan Hills, Quezon City, noong Lunes.
Arestado ang 38-anyos na suspek na si alyas “Vin” matapos ang follow-up operation ng mga tauhan ng Batasan Police Station 6.
Nangyari ang insidente bandang alas-2 ng madaling araw habang nagkukuwentuhan umano ang tatlong magkakaibigan kasama ang ilang iba pa sa Senatorial Street, Brgy. Batasan Hills, nang dumaan ang suspek na sakay ng motorsiklo at lasing.
Sinaway umano ng suspek ang grupo dahil sa pagtambay sa kalsada, ngunit nagalit ito nang sagutin siya nang pabalang ng mga biktima.
Bumunot umano ng baril ang suspek at tinutukan ang grupo kaya nagtakbuhan patungo sa Batasan-San Mateo Road.
Hinabol umano ng suspek ang mga biktima sakay ng motorsiklo hanggang sa isang eskinita kung saan niya sila naabutan at pinagbabaril bago tumakas.
Nakumpiska sa operasyon ang isang pulang Honda ADV 160 at isang kalibre .38 na rebolber na may limang basyo ng bala at isang bala.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong murder sa Quezon City Prosecutor’s Office.

