Maynila

Parangal natanggap ng Maynila

Edd Reyes Oct 12, 2026
34 Views

TUMANGGAP ng parangal ang Maynila sa Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) ng Department of Health (DOH) bilang pagkilala sa pagganap sa matagumpay na pagpapatupad ng Expanded Newborn Screening Program.

Ang tinanggap na Exemplary Local Government Unit Award ng Maynila ay naglagay sa lungsod bilang pangalawa sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila, kasunod ng Valenzuela City habang pangatlo naman ang Pasig City.

Si Manila OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla ang tumanggap ng kabuuang apat na parangal matapos kilalanin din ang Mayor Ramon Bagatsing Hospital at Justice Jose Abad Santos General Hospital bilang Top Performing Newborn Screening Facilities, habang ang Dr. Mariano Icasiano Lying-In Clinic naman ang kinilala bilang Exemplary Newborn Screening Facility.

Ayon kay Mayor Isko Moreno Domagoso, ang tinanggap na pagkilala ay isang patunay na ibinibigay nilang lahat ang kanilang pangakong mabigyan ang mga bagong silang na sanggol sa Maynila ng pinakamagandang simula ng kanilang buhay

Sa ilalim ng Republic Act No. 9288 o Newborn Screening Act of 2004, sinusuri ang mga sanggol sa pamamagitan ng pagkuha ng ilang patak ng dugo mula sa sakong, karaniwang sa loob ng unang 24 hanggang 48 oras matapos ipanganak.

Sinabi pa ni Mayor Isko Moreno na malaking bahagi ng tagumpay ng programa ang dedikasyon ng mga doktor, nurse, komadrona at iba pang health workers na nangangalaga sa mga bagong silang.