Senate

VP Sara impeachment trial mahihinto muna simula Oct. 24

30 Views

MAHIHINTO muna simula Miyerkules, Oktubre 14, ang impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte sa Senado para makapaghain ang House prosecutors ng kanilang formal offer of evidence.

Sinabi ito ni Senate Impeachment Clerk of Court Atty. Renato Bantug nitong Lunes, matapos makumpleto ang testimonya ng financial forensic analyst ng prosekusyon na si Atty. Alexander B. Cabrera.

“There will indeed be a pause in the trial to allow the prosecution to file its formal offer of evidence,” ani Bantug. Dagdag niya, ang presiding officer ang magpapasya sa formal offer, pero hindi niya sinabi kung kailan.

Sa Nobyembre 9 naman sisimulan ng depensa ang paglalatag ng kanilang ebidensya, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.

“Ang schedule nila is November 9 pagbalik namin,” ani Gatchalian.

Matapos payagang bumaba sa witness stand si Cabrera dakong alas-5:35 ng hapon, inanunsyo ni presiding officer Francis “Chiz” Escudero na natanggap ng korte ang manifestation ng prosekusyon na iatras na ang artikulo tungkol sa umano’y panunuhol ni Duterte sa mga opisyal ng Department of Education noong siya pa ang kalihim nito. Wala pang desisyon dito ang korte.

Noong Biyernes, sinabi ng tagapagsalita ng impeachment court na si Atty. Regie Tongol na hindi pa nagre-rest ang prosekusyon sa Article I, na tungkol sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, dahil posible pa itong magharap ng karagdagang testigo.

Si Cabrera, ang ika-27 testigo ng prosekusyon, ang huling testigo nito para sa Article II, na tungkol sa umano’y unexplained wealth ng Bise Presidente. Ayon sa kanyang testimonya, umabot sa humigit-kumulang P817 milyon ang hindi maipaliwanag o hindi idineklarang ari-arian at kita ni Duterte at ng asawa nitong si Atty. Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025.

Sa cross-examination, sinabi ni Cabrera na walang dokumentong nanggaling mismo kay Duterte o kay Carpio ang ginamit sa kanyang report.

Pagsapit ng Oktubre 14, babalik ang mga senador sa pagdinig sa panukalang 2027 national budget, na target maisalang sa plenaryo pagbalik ng sesyon sa Nobyembre 9.

“Hindi pwede masacrifice ang budget for the impeachment and vice versa,” sabi ni Gatchalian noong Sabado.

Babalik ang impeachment court sa Martes, Oktubre 13, alas-1 ng hapon, para sa procedural matters.