Calendar
Lacson pinalilinaw kay Padilla kung sino ang tinutukoy na may ‘disregard for law’
PINALILINAW ni Senator-judge Panfilo “Ping” M. Lacson kay Senator-judge Robinhood “Robin” Padilla kung sino ang tinutukoy nito nang sabihing may “disregard for law” sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lacson nitong Lunes, kung ang buong impeachment court ang pinatutungkulan ni Padilla, na miyembro rin nito, maaaring ituring itong pag-atake sa integridad ng korte.
“I don’t know what Sen. Padilla meant by ‘disregard for law’ or if he was referring to the entire impeachment court na member din naman siya. If so, hindi kaya maituturing na direct assault sa integridad ng korte ang mga bibitiwan niyang pananalita?” ani Lacson.
Kung ilang senator-judge lang daw ang tinutukoy, dapat silang pangalanan ni Padilla.
“Marapat lamang na liwanagin niya kung buong impeachment court ba ang tinutukoy niya sa ‘disregard for law’ or ilang myembro lang. Kung ang huli, sana pangalanan niya,” dagdag ni Lacson.
Iniulat na sinabi ni Padilla sa isang panayam sa radyo noong Linggo na maaaring hindi na sila dumalo ng kanyang mga kaalyado sa paglilitis kung may “disregard for the law.”
Binanggit umano niya ang ilang nakagugulat na pangyayari sa paglilitis. Kung magpapatuloy raw ang umano’y pagbaluktot sa batas, “baka dumating na punto na hindi na kami umattend.”
Nauna nang dumulog sina Padilla, Senador Christopher “Bong” Go at ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Korte Suprema para ipawalang-bisa ang pasya ng impeachment court sa voting threshold.
Dumalo si Padilla sa pagdinig nitong Lunes at nagtanong sa testigo ng prosekusyon. Nanawagan siyang igalang ang due process at huwag madaliin ang paglilitis. “Dahil itong bagay na ito nakasalalay dito ang 32M votes ng taong bayan,” aniya.

