Rape

Ama dinampot sa gahasa ng menor de edad na anak

Edd Reyes Oct 13, 2026
24 Views

TIMBOG ang 44-anyos na wanted sa kasong panggagahasa sa menor-de-edad na sariling anak sa Northern Samar makaraang matunton sa pinagtaguang lugar Lunes ng gabi sa Valenzuela City.

Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director P/BGen. Christopher Abrahano na magkasanib na puwersa ng NCRPO Anti Carnapping Section-Regional Intelligence Division, (ACS-RID) Bini Municipal Police Station at Police Regional Office 8 (PRO 8) ang nagsagawa ng operasyon dakong alas-10:10 ng gabi malapit sa subway construction site sa Tatalon St. Brgy. Ugong, na nagresulta sa pagkakadakip sa akusado na nagta-trabaho na bilang tile setter.

Ayon kay BGen. Abrahano, inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Nobyembre 4, 2025 ng Catarman, Northern Samar Regional Trial Court (RTC) Branch 20 para sa kasong Rape at paglabag sa R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act na walang inirekomendang piyansa.

Sa rekord ng pulisya, nangyari ang panghahalay noong Hunyo 28, 2024 sa loob ng bahay ng pamilya sa Bini, Northern Samar, nang magising ang biktma ng alas-3:00 ng madaling araw na inaabuso na siya ng sariling ama.

Nang tangkain ng biktima na humingi ng tulong gamit ang kanyang mobile phone, kinumpiska kaagad ito ng akusado at binantaang sasaktan, pati na ang mga kapatid, kapag ipinabatid kaninuman ang pangyayari.

Nagpasiya ang biktima na pansamantalang tumira sa kanyang tiyahin subalit nanatiling tikom ang bibig sa pangambang saktan ng ama ang kanyang mga kapatid.

Noong Hulyo 5, 2024, nang magsagawa ng barangay health program sa kanilang lugar ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), nakakita ng pagkakataon ang biktima na sabihin sa isang komadrona ang sinapit sa kamay ng ama na dahilan upang magtago na ang lalaki.

Pansamantalang nakapiit sa custodial facility ng ACS-RID sa Camp Bagong Diwa ang akusado habang inaayos pa ang pagbabalik ng warrant of arrest sa korte ng Northen Samar.