Edd Reyes

Kakagatin kaya ng mga mamumuhunan mungkahi na paupahan modernong jeep?

Edd Reyes Oct 14, 2026
31 Views

NANG ilunsad ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang modernisasyon ng mga pampasaherong jeepney sa pamamagitan ng Department of Transportation (DOTr) noong Hunyo, 2017, marami ang tumutol dahil sa mahal ng mga sasakyang nais ipalit sa tradisyunal na jeepney.

Layunin ng inilunsad na modernisasyon na palitan na ng modernong sasakyan ang nabubulok na tradisyunal na jeepney na tinawag pa nga ng iba na “rolling coffins” at para na rin mapangalagaan ang kalikasan at maging ligtas ang mga pasahero.

Pero sa kabila ng mga pagtutol, mayroong mga itinayong kooperatiba ang mga jeepney driver na kumagat sa Public Transport Modernization Program o PTMP sa pangambang bawiin ang kanilang prangkisa at tuluyang mawalan ng hanapbuhay, bukod pa sa pangakong pauutangin sila ng bangkong pag-aari ng gobyerno tulad ng Land Bank at Development Bank of the Philippines (DBP).

Nakumbinsi rin ang marami na mababayaran naman ang utang dahil bukod sa maraming tatangkilik sa modernong jeepney na parang isang mini-bus, komportable rin ang pagsakay rito dahil air conditioned at ang iba ay may libreng wifi.

Pero lumabas sa ulat na nakakaranas na ngayon ng problema sa pananalapi ang Land Bank at DBP dahil hindi sila makasingil sa tamang panahon sa mga pinautang para sa pagbili ng modernong jeepney.

Paulit-ulit na umano ang pagka-antala ng pagbabayad ng mga utang kaya aabot na sa P5.11 bilyon ang hindi nasisingil sa mga operators at drivers na pautang mula sa inilabas na P15.11 bilyon ng mga bangkong pag-aari ng gobyerno.

May mungkahi naman ang Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) sa DOTr na ialok na lang sa mga malalaking pribadong mamumuhunan na bilhin ang mga modernong jeepney at kanilang paupahan sa mga operator at driver.

Kaya lang, ang tanong, kagatin kaya ng mga malalaking pribadong kompanya ang mungkahi ng tinaguriang “think tank” ng Mababang Kapulungan ng Kongreso?

Yorme, binalaan mga pekeng parking attendant na abusado kung maningil

NANG makarating sa kaalaman ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang pang-aabuso ng nagpapanggap na parking attendants sa distrito ng Malate, kaagad niyang pinakilos ang Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (S.Ma.R.T.) para dakpin ang mga abusadong nagpapanggap na parking attendants.

Tatlo ang nadakip ng SMaRT na sumisingil ng labis sa mga motoristang pumaparada sa pay parking sa Adriatico St. at harap ng Rizal Memorial Coliseum na lagpas sa itinatakda ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).

Kung tutuusin, hindi lang naman sa Malate nangyayari ang labis na paniningil ng mga nagpapanggap na parking attendants, kundi maging sa iba pang lugar sa lungsod na nalilingid umano sa kaalaman ng pamunuan ng MTPB.

Ang nakapagtataka pa, nakasuot din ng t-shirt na may nakasulat na parking attendant sa likod, kaya hindi sila mapagkakamalang peke kapag naniningil ng parking fee sa mga pumaparadang motorista.

May iba nga na motorsiklo lang ang ipinarada pero sisingilin ng P50 na mas malaki pa sa parking fee ng malalaking mall nang wala naman daw ini-isyung resibo na patunay na napupunta ang pera sa kaban ng lungsod.

Pinayuhan ng alkalde ang lahat ng motorista na kapag naka-enkuwentro sila ng parking attendant na naniningil ng labis sa itinakdang parking fee, i-report nila kaagad ang mga ito sa Bilis Kilos Action Center o magpadala ng mensahe sa kanyang opisyal na social media account upang kaagad ma-aksiyunan,

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0915-649-2023 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com