Calendar
Bebot na HVI sa Cainta tiklo sa P1.7M shabu
CAINTA, RIZAL — Bagsak sa kulungan ang 22-anyos na dalaga na tinaguriang High-Value Individual (HVI) matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Brgy. San Juan, bayan na ito, madaling-araw ng Martes, Oktubre 14, 2026.
Kinilala ang suspek na si alyas Aira na kalaboso matapos maaktuhang nagbebenta ng ilegal na droga.
Pinangunahan ng Station Drug Enforcement Team ng Cainta Municipal Police Station ang operasyon katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), gamit ang Alternative Recording Device (ARD).
Nabuking ng mga otoridad ang umano’y tagong transaksiyon ng suspek na nagresulta sa pagkakakumpiska ng pitong sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 255.79 gramo at tinataya ng Dangerous Drugs Board (DDB) na aabot sa P1,739,372 ang halaga.
Kasama sa nakumpiska ang isang sling bag, buy-bust at boodle money at itim na motorsiklo.
Agad na binasa ang Miranda doctrine sa suspek bago dinala sa Cainta Municipal Hospital para sa medical check-up.
Sumasailalim na rin ito sa drug test sa Rizal Provincial Forensic Unit at nakakulong na sa Cainta Municipal Custodial Facility.
Nakatakdang sampahan ng patong-patong na kaso ang suspek sa paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Office of the Provincial Prosecutor of Rizal.

