NHA

Taga-Apalit nakatanggap ng construction materials, SRKs mula DHSUD, NHA

Jun I Legaspi Oct 13, 2026
20 Views

NHA1NAMAHAGI ng construction materials at shelter repair kits (SRKs) sa mga residente ng Apalit, Pampanga na naapektuhan ng malalakas na ulan, bagyo at habagat ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at National Housing Authority (NHA).

Pinangunahan nina DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling at Apalit Mayor Oscar Tetangco Jr. ang distribusyon ng SRKs na binubuo ng iba’t-ibang kagamitan at materyales gaya ng GI sheets, plywood, kahoy, kawad at pako.

“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang DHSUD at NHA ay naghatid ng mga kinakailangang construction materials at repair kits para matulungang makabangon ang ating mga kababayan nating Kapampangan dito sa Apalit.

Kasama ang LGU, asahan po ninyo na kaagapay ninyo ang gobyerno sa inyong pag-ahon mula sa epekto ng pagbaha,” sabi ni Aliling.

Mahigit 100 pamilya ang nakatanggap ng tulong at nagpahayag ng pasasalamat sa pamahalaan sa pagbibigay ng suporta sa kanilang muling pagbangon mula sa matinding pagbaha.

Ang aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang ng National Shelter Month 2026 na may temang “Tahanan. Pamayanan. Kinabukasan.”

Simula pa noong Oktubre, nagsagawa ang DHSUD at mga attached agencies ng iba’t- ibang programa at serbisyo sa pabahay sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ang naturang aktibidad sa Pampanga ay patunay ng patuloy na pagtupad ng DHSUD sa direktiba ng Pangulo sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program upang matiyak na naipapaabot ang kinakailangang tulong sa mga biktima ng kalamidad.

Dumalo rin sa aktibidad sina DHSUD Senior Undersecretary Eduardo Robles Jr., Undersecretary Roman Nicolo Molina, DHSUD Regional Office 3 Director Richard Manila at iba pang opisyal ng DHSUD at NHA.