Calendar
‘Illegal na POGO’ ni-raid ng BI-ID, 76 dayuhan dinampot
NAARESTO ng mga operatiba ng Intelligence Division ng Bureau of Immigration (BI-ID), sa pamamagitan ng Special Response Team (ID-SRT) at Region 4 Regional Intelligence Operations Unit (RIOU), ang 76 na dayuhan sa isang operasyon na isinagawa noong Oktubre 12 kasama ang National Capital Region Command ng Armed Forces of the Philippines.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkakadakip ng mga dayuhan sa isang hinihinalang ilegal na pasilidad na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Barangay Socorro, Cubao, Quezon City, na umano’y ginagamit para sa mga online scamming activities.
Isinagawa ang operasyon ng BI Intelligence Division alinsunod sa isang mission order, bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na wakasan ang ilegal na operasyon ng POGO at ipatupad ang Republic Act No. 12312, o ang Anti-POGO Act of 2025.
Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato S. Manahan Jr., na nag-ulat ng operasyon kay Commissioner Joel Anthony M. Viado, ang mga dayuhan ay umano’y sangkot sa online scamming activities nang pasukin ng mga operatiba ang naturang pasilidad.
Batay sa paunang pagkakakilanlan, 74 sa mga naaresto ay Chinese nationals, habang dalawa ay mula Myanmar.
Ang mga naarestong dayuhan ay kasalukuyang sumasailalim sa inquest proceedings at haharap sa deportation proceedings alinsunod sa mga batas sa imigrasyon ng Pilipinas. Kapag nailabas ang mga deportation order, sila ay ilalagay sa blacklist ng BI upang hindi na muling makapasok sa bansa.
Muling iginiit ni Commissioner Viado ang pangako ng Bureau na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na POGO at iba pang ilegal na aktibidad na kinasasangkutan ng mga dayuhan.
“Patuloy ang operasyon ng BI laban sa mga ilegal na POGO activities. Nananatili kaming nakatuon sa pagpapatupad ng ating mga batas sa imigrasyon at sa pagsuporta sa kampanya ng pamahalaan laban sa online scamming at iba pang iligal na gawain,” ani Viado.

