Dy1

Hinaing, alalahanin ng taga-Laguna maihahatid sa Kongreso–Speaker Dy

Mar Rodriguez Oct 13, 2026
22 Views

TINIYAK ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na maihahatid sa Kongreso ang mga hinaing at alalahanin ng mga residente ng Laguna na inilahad sa programang LegisHear sa Calamba City.

Lumahok ang 31 ahensya ng pamahalaan sa LegisHear sa syudad.

Si Calamba City Rep. Charisse Anne “Cha” Hernandez ang nag-host ng ikaanim na yugto ng LegisHear at nag-anunsyo na ito ang may pinakamaraming pambansang ahensiyang lumahok sa nasabing programa.

Pinagsama-sama ng konsultasyon ang mga mambabatas, kinatawan ng mga ahensya ng pamahalaan, residente at iba pang sektor upang talakayin ang mga suliraning kinakaharap ng mga komunidad, partikular ang pangangailangan para sa isang komprehensibong plano sa pagkontrol at pamamahala ng baha sa Laguna Lake Basin.

“Ang LegisHear po ay pinagsisikapan naming mabuti upang tunay na marinig ang iba’t ibang hinaing ng ating mga kababayan,” pahayag ni Dy.

Ayon sa Speaker, magsisilbing gabay ng mga mambabatas ang mga isyung inilahad sa Calamba sa pagpapalakas ng mga panukalang batas at paghahanap ng mga solusyon sa mga problemang matagal nang nais tugunan ng mga komunidad.

Sinabi ni Dy na hindi lamang ang kilalang buko pie ng Laguna ang kanilang iuuwi mula sa pagbisita sa lalawigan kundi higit sa lahat, ang mahahalagang isyu at alalahanin ng mga mamamayan.

Binigyang-diin nito na ang pangunahing layunin ng LegisHear ay makinig sa mga mamamayan at matiyak na ang kanilang mga hinaing ay maisasaalang-alang sa pagbuo ng mga hakbangin at polisiya ng pamahalaan.

Nakasentro ang konsultasyon sa House Resolution No. 906, na humihimok sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na bumuo at magpatupad ng isang komprehensibo, napapanatili at pinagsama-samang plano para sa pagkontrol at pamamahala ng baha sa Laguna Lake Basin.

Layunin ng panukala na magkaroon ng koordinadong pagtugon sa paulit-ulit na pagbaha upang maprotektahan ang mga komunidad at kabuhayan ng mga residente.

Kabilang sa mga isinusulong na hakbang ang pagpapaunlad ng imprastraktura, pangangalaga at maayos na pamamahala ng mga watershed, at iba pang programang nakabatay sa na-update na Comprehensive Master Development Plan ng Laguna Lake Development Authority (LLDA).

Ayon sa Speaker, hindi dapat matapos sa pagbuo at pagpasa ng mga batas ang trabaho ng Kongreso. Mahalaga ring matiyak na naipatutupad ang mga ito at naibibigay ang mga benepisyong inaasahan ng mamamayan.

“Dapat ipakita rin natin kung paano maipatutupad ang mga hakbang na ating isinusulong,” ani Dy.

Sa pamumuno ni Speaker Dy at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, patuloy na inilalapit ng Kamara de Representantes ang mga talakayang pambatas sa iba’t ibang komunidad upang direktang marinig ang mga pangangailangan, mungkahi at hinaing ng mga mamamayan.