Kapunan

Buong prosecution panel nagpasyang bawiin 3 impeachment articles — Kapunan

Mar Rodriguez Oct 14, 2026
39 Views

BitricsANG desisyong bawiin ang tatlo sa apat na impeachment articles laban kay Vice President Sara Z. Duterte ay nagmula sa buong prosecution panel, kabilang ang mga pribadong tagausig, ayon kina House lead prosecutor Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas at Private Prosecutor Atty. Lorna Kapunan.

“Well, actually, that decision represents the decision of the entire prosecution panel,” pahayag ni Luistro.

Nang tanungin tungkol sa mga pribadong tagausig na tumulong sa paghawak ng mga alegasyong binawi, sinabi ni Luistro na nakibahagi ang mga ito sa pagbuo ng desisyon at hindi lamang basta ipinaalam sa kanila ang naging pasya.

Kinumpirma naman ni Kapunan ang pahayag ni Luistro.

“Isa itong kolektibong desisyon, kasama po diyan ang mga private prosecutor,” ani Kapunan.

Sinabi nitong dumating na ang panel sa puntong nararapat nang ituon ang kanilang pagsisikap sa usapin ng unexplained wealth o hindi maipaliwanag na yaman, ang natitirang impeachment article na kanilang itutuloy.

Binalikan din ni Kapunan ang prinsipyong binanggit niya noong una siyang humarap sa impeachment court: “Lahat ng naghaharap ng ebidensiya ay dapat marunong ding kumilala kung kailan dapat huminto.”

Sa kanyang paliwanag, nakabatay ang desisyon sa pagtataya ng buong panel kung sapat na ang mga ebidensiyang naiharap nila at kung saan nila dapat ituon ang kanilang mga susunod na hakbang.

“Kaya nagpasya ang prosecution, kapwa ang public at private prosecutors, na huminto na dahil malinaw na sa amin ang usapin tungkol sa unexplained wealth,” ani Kapunan.

Dahil dito, ang susunod na hakbang ng prosekusyon ay ituon ang kanilang pagsisikap sa Article II, sa halip na ipagpatuloy ang magkakahiwalay na kaso hinggil sa confidential funds, bribery o panunuhol, at grave threats o malulubhang pagbabanta.

Ayon kay Luistro, ang pagbawi sa tatlong artikulo ay nangangahulugan ding hindi na kailangang magharap ng depensa si Duterte kaugnay ng mga naturang paratang.

“Pati ang depensa ay wala nang obligasyong magharap ng kanilang mga ebidensiya,” paliwanag ni Luistro.

Ang tinutukoy niya ay ang mga ebidensiyang maaaring iharap ng kampo ni Duterte upang sagutin ang mga paratang na binawi na ng prosekusyon at hindi na isasailalim sa paghatol sa kasalukuyang paglilitis.

Ipinaliwanag naman ni Kapunan na ang mga artikulong may kaugnayan sa confidential funds at grave threats ay binawi nang with prejudice dahil nakapaghain na ang prosekusyon ng mga ebidensiya kaugnay ng mga ito.

Sa ilalim ng pasya ng impeachment court, hindi na maaaring muling ihain laban kay Duterte sa loob ng kasalukuyan niyang termino at ng ika-20 Kongreso ang mga impeachment allegation na halos kapareho ng mga paratang na ito.

Iba naman ang naging pagtrato sa paratang na bribery dahil wala pang naihaharap na ebidensiya ang prosekusyon kaugnay ng artikulong ito.

“Kaya ang dismissal ng bribery ay without prejudice,” ani Kapunan.

Nangangahulugan ito na naiiba ang posibilidad na muling maisampa ang naturang paratang sa hinaharap, ngunit hindi na ito bahagi ng kasalukuyang impeachment trial.

Gayunman, hindi nangangahulugan ang pagbawi sa tatlong artikulo na mabubura na ang mga opisyal na rekord na may kaugnayan sa mga ito.

Mananatili sa rekord ng hukuman ang mga dokumento at testimonya na naiharap at tinanggap na sa mga naunang pagdinig. Maaari ring gamitin ng depensa ang mga naunang materyal na may kaugnayan sa Article II.

Dahil dito, nakasentro na ngayon ang pagpapatuloy ng impeachment trial sa usapin ng hindi maipaliwanag na yaman, habang nananatili sa opisyal na rekord ang mga naunang ebidensiya at testimonya.