Gatchalian

Pagsasabatas ng 2 panukala para sa kaligtasan ng mga mag-aaral tinutulak sa Senado

34 Views

ISINUSULONG ni Senate President Sherwin Gatchalian nitong Miyerkoles ang pagsasabatas ng dalawang panukalang aprubado na ng Senado para sa kaligtasan ng mga mag-aaral, kasabay ng National School Safety Week at ng mga insidente ng karahasang kinasangkutan ng mga estudyante.

“Ang ating mga paaralan ay mga ligtas na espasyo na dapat walang puwang para sa anumang uri ng karahasan. Patuloy nating isusulong ang mga panukalang batas, programa, at polisiya upang itaguyod ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga mag-aaral,” ani Gatchalian.

Isinasagawa ngayong linggo, Oktubre 12 hanggang 16, ang National School Safety Week sa mga pampublikong paaralan, ayon sa Department of Education.

Kabilang sa mga panukala ang Senate Bill No. 2426 o Comprehensive School Safety Act, na magtatatag ng National School Safety Framework. Magtatakda ito ng minimum standards sa pag-iwas, pagtugon at pagbangon mula sa mga banta at insidenteng may kinalaman sa kaligtasan sa mga pampublikong paaralan.

Binanggit din niya ang Senate Bill No. 2424 o Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces (SMART KIDS) Act, na magbabawal sa mga batang wala pang 18 taong gulang na gumamit ng social media at iba pang high-risk digital services.

Parehong inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang dalawang panukala.

“Inaasahan nating tuloy-tuloy ang pagsasabatas ng dalawang panukalang ito para sa mas maayos na proteksyon ng ating mga mag-aaral,” dagdag ni Gatchalian.

Inaprubahan naman umano ng Kamara noong Oktubre 12 ang sarili nitong bersyon ng SMART KIDS, ang House Bill No. 11566 o SAFE KIDS Act, sa botong 287-3. Sa bersyon ng Kamara, ipagbabawal ang social media sa mga batang wala pang 13 taong gulang at lilimitahan ang access ng mga edad 13 hanggang 17. Kailangan pang pagkasunduin ng dalawang kapulungan ang magkaibang bersyon sa bicameral conference committee.