Hon. chua

VP Sara hindi maaaring sabihin na pinagkaitan siya ng pagkakataong sumagot — Chua

Mar Rodriguez Oct 14, 2026
33 Views

MARIING pinabulaanan ni House Prosecutor at Manila Rep. Joel R. Chua na ang pahayag ng kampo ni Vice President Sara Z. Duterte na pinagkaitan sila ng pagkakataong sagutin ang mga paratang laban sa bise presidente dahil paulit-ulit na umanong nabigyan ng pagkakataon ang mga ito na tumugon mula pa noong isinagawang imbestigasyon ng Kongreso noong 2024 tungkol sa confidential funds.

Tinanggihan ni Chua ang pahayag ng depensa na ang pagbawi sa ilang artikulo ng impeachment complaint matapos maiharap ang mga ebidensiya ng prosecution ay nag-alis sa pagkakataon ni Duterte na pormal na linisin ang kanyang pangalan sa mga naturang paratang sa harap ng Senate Impeachment Court.

“Alam po ninyo, hindi po totoo ‘yung sinasabi nung kabila, na dahil po dito ay hindi na naman mabibigyan ng pagkakataon na masagot, o pagkatapos daw siraan ‘yung pangalan ng bise presidente, hindi siya bibigyan ng pagkakataon na sumagot,” mariing pahayag ni Chua.

“Hindi totoo ang sinasabi ng kabilang panig na hindi na mabibigyan ng pagkakataong sumagot ang bise presidente dahil sa pagbawi sa mga artikulo, o na matapos daw dungisan ang kanyang pangalan ay hindi na siya papayagang magpaliwanag,” ayon pa kay Chua.

Noong 2024 pa unang sumailalim sa masusing pagsusuri ng Kamara ang mga usapin tungkol sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Kabilang sa mga isyung sinuri noon ang mga acknowledgment receipt, mga opisyal na namahagi ng pondo, at ang pagkakakilanlan ng mga umano’y tumanggap ng naturang pera.

Ayon kay Chua, sa halip na sagutin nang direkta ang mga pangunahing alegasyon, mas pinili umano ng kampo ni Duterte na kuwestiyunin ang mga teknikal at konstitusyonal na batayan ng mga isinagawang imbestigasyon at impeachment proceedings.

“So ito po ay nagsimula sa committee hearing, walang sagot, nag-submit ng impeachment nung 19th Congress, hindi nila sinagot yung substance, bagkus nag-rely sila sa technicality,” paliwanag ni Chua.

“Nagsimula ito sa mga pagdinig ng komite, ngunit wala umanong naging malinaw na sagot. Nang magsampa ng impeachment sa 19th Congress, hindi nila sinagot ang mismong nilalaman ng mga paratang at sa halip ay umasa sila sa mga teknikalidad,” dagdag nito.

Tuluyang nabasura ang unang pagsisikap na ma-impeach si Duterte kasunod ng mga kasong inihain at mga usaping legal tungkol sa mga limitasyong konstitusyonal sa magkakasunod na impeachment proceedings.

Pagkatapos nito, nagsimula ang panibagong impeachment case sa kasalukuyang Kongreso.

Gayunman, iginiit ni Chua na nanatiling pareho ang mga pangunahing isyu at hindi pa rin umano direktang nasagot ng kampo ng bise presidente ang mga ito.

“Ngayon, nag-file kami ng pangalawang impeachment, na kung saan, ‘yun pa rin naman ang isyu, pero again, sa kanilang mga answer, wala pa rin naman silang sagot na maayos, at hindi pa rin nila sinagot, bagkus tumakbo na naman po sila sa Korte Suprema,” ani Chua.

“Nang magsampa kami ng ikalawang impeachment, pareho pa rin ang mga isyung kinakaharap. Ngunit sa kanilang mga sagot, wala pa ring maayos na pagpapaliwanag. Sa halip, muli silang dumulog sa Korte Suprema,” aniya.

Samantala, patuloy na pinagtatalunan ng kampo ni Duterte ang legalidad ng mga impeachment proceedings at itinatanggi ang anumang maling gawain. Kinukuwestiyon din ng kanyang mga abogado ang iba’t ibang pahayag at ebidensiyang iniharap ng prosecution sa pamamagitan ng cross-examination.

Sa kabila nito, iginiit ni Chua na nagpapakita umano ng paulit-ulit na hakbang ang kampo ni Duterte upang mapawalang-bisa o maantala ang mga paglilitis sa halip na direktang sagutin ang mga pangunahing alegasyon.

“So sa totoo lang, from the very beginning, wala naman talaga silang intensyon na sagutin ito ng maayos. Ang gusto lamang nila, it’s either ipa-dismiss ito o i-delay,” pahayag ni Chua.

“Sa totoo lang, mula pa sa simula ay wala silang intensiyong sagutin nang maayos ang mga isyung ito. Ang nais lamang nila ay maibasura ang kaso o maantala ang mga paglilitis,” ayon sa mambabatas.

To God be the Glory