Calendar
Barbers: Nabigyan ng sapat na pagkakataon ang depensa
NABIGYAN ng sapat na pagkakataon si Vice President Sara Z. Duterte para maipagtanggol ang kaniyang sarili laban sa mga akusasyong ikinukukapol laban sa kaniya kaugnay sa hindi maipaliwanag na yaman at paglustay sa bilyon-pisong confidential funds, ayon kay dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers.
Iginiit ni Barbers, House impeachment team adviser at spokesperson na hindi ipinagkait kay VP Sara ang kanyang karapatan sa “due process” o makatarungang proseso sa kabila ng pagbawi ng prosecution sa tatlo sa apat na artikulo ng impeachment complaint laban sa kanya.
Ayon kay Barbers, nabigyan ang mga abogado ng bise presidente ng sapat na pagkakataong kuwestiyunin ang mga saksi ng prosecution sa pamamagitan ng cross-examination at suriin ang mga dokumentong iniharap sa Senate Impeachment Court.
Binigyang-katwiran ni Barbers, dating Chairman ng Quadruple (QuadComm) Committee, ang hakbang ng prosecution kasunod ng mga pangamba ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano na hindi dapat maisakripisyo ang pagiging patas ng paglilitis sa hangaring paikliin ang mga pagdinig.
“Well, nagtataka ako. Due process was very, very well, ika nga, preserved or protected by the court,” mariing pahayag ni Barbers.
“Nagtataka ako dahil napangalagaan at naprotektahan naman nang husto ng hukuman ang karapatan sa due process,” dagdag pa nito.
Nauna nang kinuwestiyon ni Cayetano ang desisyon ng prosecution na bawiin ang tatlo sa apat na artikulo ng impeachment complaint. Binigyang-diin ng senador-hukom na hindi dapat malagay sa alanganin ang pagkakataon ni Duterte na sagutin ang mga paratang laban sa kanya dahil lamang sa hangaring mapabilis ang paglilitis.
Bilang tugon, iginiit ni Barbers na nagkaroon ng sapat na pagkakataon ang depensa na suriin at kuwestiyunin ang mga ebidensiyang iniharap ng prosecution.
“Nabigyan ng pagkakataon na i-cross-examine yung ating mga witnesses na mga inilatag. Nagkaroon din ng pagkakataon ang defense to suriin yung mga documentary evidence that we all presented,” paliwanag ni Barbers.
“Binigyan sila ng pagkakataong isailalim sa cross-examination ang mga saksi na iniharap natin. Nagkaroon din sila ng pagkakataong suriin ang lahat ng dokumentaryong ebidensiyang inilatag ng prosecution,” aniya.
Dagdag pa ni Barbers, nabigyan din ang depensa ng pagkakataong sumagot sa mga paratang, na aniya ay mahalagang bahagi ng due process.
“Binigyan din sila ng pagkakataon na sumagot. At iyan ang esensya ng sinasabi nating due process,” giit ni Barbers.
“Kaya, I don’t know where Senator-Judge Alan Cayetano is coming from when he said that masasacrifice yung ating due process,” ani Barbers.
To God be the Glory
