Bong1 Nagbigay ng mensahe si Paul Ongcuangco, best friend at dating classmate mula Grade One ni Ser Bong TV Source: Kuya JR TV FB

Vlogger community nakiramay sa pamilya ni Ser Bong TV

Steve A. Gosuico Oct 20, 2026
174 Views

bongBong2

Bong3
Mga litrato sa huling gabi ni Ser Bong TV (Credits to the owner of the photos-Courtesy of Kuya JR TV, of the Nueva Ecija Vloggers Association)

CABANATUAN CITY – Dinagsa ng todo-todo ang “huling gabi” ng burol ng pinaslang na rider-vlogger na si Ser Bong TV sa St. Peters Chapels sa Maharlika Highway, Bgy. Valdefuente dito nitong Lunes.

Punong-puno ang nasabing lugar sa mga nakiramay at wala na halos maparadahan ng sasakyan sa parking lot nito dahil sa dami ng bumisita.

Dumating at nakiramay ang buong vlogger community ng Cabanatuan City sa naulilang pamilya ni Rhaulito “Bongbong” Uy Mariñas, 48, na mas kilala sa bansag niya sa social media na Ser Bong TV.

Kabilang dito ang mga vloggers na sina Kuya JR TV, na isang opisyal ng Nueva Ecija Vloggers Association (NEVA), Miki TV, Bermuda Brothers, Ian TV, Angelo S.I, Ngongi and friends, VA Vlogs, at Edmar Batac.

Ang pagbuhos at pag-dagsa na mga nakiramay kay Ser Bong TV, aniya ay patunay ng suporta, respeto, panalangin at pagmamahal para sa napaslang ng vlogger, ayon sa NEVA.

Idinaos ang isang banal na misa at luksang parangal para sa namayapang vlogger sa Second Floor, Room 201 ng chapel Lunes ng gabi.

Napuno ng luha at pagmamahal ang isinagawang necrological service para sa napaslang na vlogger dahil sa mga mensahe ng kanyang kapamilya, kaibigan at kakilalang kapuwa vloggers.

Ayon sa FB post ni Kuya JR TV, nandoon din ang best friend at dating kaeskwela ng vlogger mula Grade 1 na si Paul Ongcuangco, na hindi napigilang maging emosyonal habang sinasariwa ang pinagsamahan nilang dalawa ng kanyang dating kaeswela.

“Maraming salamat Ser Bong TV sa mga magagandang ala-ala na iyong iniwan sa amin,” pahayag din ng isang kamag-anak ni Ser Bong TV sa necro service.

Patuloy pa din ang panawagan ng hustisya para kay Ser Bong TV ng buong vlogger community at pamilya nito na panagutin at hulihin ang mga salarin.

Matatandaan na binaril ng isang di-kilalang gunman ang biktima gamit ang Cal. 45 baril matapos itong holdapin sa Markville Subdivision sa Bgy. Mayapyap Sur bandang 9:40 Huwebes ng gabi, Octubre 15.

Samantala, patuloy pa din ang malalimang imbestigasyon ng Nueva Ecija police sa ilalim ni Col. Ritchie R. Claravall para maresolba ang nasabing kaso.

Nakatakdang ilibing si Ser Bong TV sa Eternal Gardens Memorial Park sa Emilio Vergara Boulevard, Bgy. Sta. Arcadia, ngayong araw ng Martes.