Calendar
Prosecution panel nangakong isusumite sa Ombudsman ebidenisiya vs VP Sara
TINIYAK ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas na hindi nangangahulugang natapos na ang pagsisikap na papanagutin si Vice President Sara Z. Duterte sa pagbawi ng tatlong impeachment articles laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Luistro, handa ang House prosecution panel na isumite sa Office of the Ombudsman ang mga ebidensiyang nakalap nito sa impeachment proceedings sa sandaling matanggap ang kaukulang subpoena mula sa tanggapan.
Binigyang-diin ng kongresista na walang nasayang sa naging desisyon ng prosecution na bawiin ang tatlong impeachment articles laban kay Duterte.
“Wala pong nasasayang sa nangyaring withdrawal of articles,” pahayag ni Luistro sa panayam.
Noong Oktubre 13, tinanggap ng Senate impeachment court ang pagbawi sa Articles I, III at IV na tumatalakay sa mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, panunuhol at grave threats o malulubhang pagbabanta.
Samantala, nanatili ang Article II na tumatalakay sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, paglabag sa mga rekisito ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at pagkakaroon ng mga ipinagbabawal na interes sa negosyo.
Natapos na ng prosecution panel ang paglalahad ng mga ebidensiya nito kaugnay ng natitirang impeachment article.
Itinuro ni Luistro ang kasong may kaugnayan sa grave threats na dinidinig sa Quezon City Regional Trial Court bilang isa sa mga paraan upang maipagpatuloy ang pag-usisa sa mga alegasyong saklaw ng binawing impeachment article.
Bago bawiin ang mga naturang artikulo, nakapaghain na ang prosecution ng mga testigo na tumalakay sa confidential funds at grave threats.
Malugod din namang tinanggap ni Luistro ang pahayag ni Ombudsman Boying Remulla na nais nitong suriin ang mga ebidensiyang nakalap ng House prosecution panel.
“Narinig din natin si Ombudsman Boying Remulla na gustong tingnan itong mga ebidensya ng prosecution,” ani Luistro.
“And we welcome that pronouncement from the Ombudsman,” dagdag nito.
Ayon kay Luistro, susunod ang kanilang panel sa anumang legal na proseso at agad na magsusumite ng mga dokumento at iba pang ebidensiya kapag natanggap na ang subpoena.
“Kami po ay tatalima. As soon as ma-receive namin ang subpoena ng Ombudsman, ay amin pong isusumite lahat ng ebidensya ng prosecution kaugnay ng tatlong article,” aniya.
Ang nakatakdang pagsusumite ay karagdagang hakbang sa mga materyales na nauna nang naipasa sa Ombudsman kasunod ng imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong ika-19 na Kongreso.
Binigyang-diin din ni Luistro na marami pang usapin ang kailangang masusing pag-aralan upang matukoy kung may iba pang nararapat na hakbang kaugnay ng mga alegasyon laban sa Bise Presidente.
“Marami pa pong kaso ang dapat na pag-aralan,” pahayag niya.
Samantala, patuloy na naghahanda ang House prosecution panel para sa pagtatanong nito sa mga testigong ihaharap ng kampo ni Duterte sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Nobyembre 9.
Inihahanda rin ng prosecution ang pormal na paghahain ng mga ebidensiya nito para sa natitirang Article II, na nakatakdang isumite sa Oktubre 23 alinsunod sa iskedyul ng impeachment court.

