Lacson

Pagsita sa diplomat di kabiguan ng diplomasya — Lacson

97 Views

HINDI kabiguan ng diplomasya ang pagsita sa isang diplomat dahil sa “undiplomatic” na asal at ang paghiling sa kanyang gobyerno na i-recall siya, ayon kay Senador Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Miyerkules, sa gitna ng kontrobersiya sa pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan.

Mensahe ito ni Lacson sa Department of Foreign Affairs (DFA), kasunod ng mga social media post ng Chinese Embassy sa Maynila na bumabatikos sa mga opisyal ng Pilipinas na pumuna sa pahayag ni Jing.

“Calling out a diplomat for his undiplomatic conduct toward high-ranking elected officials of his host country and politely asking his government to recall him is not a failure of diplomacy. It is a dignified act of preserving bilateral relations,” ani Lacson sa kanyang post sa X.

Nitong Lunes, ipinatawag ng DFA si Jing para pormal na iprotesta ang kanyang “provocative and unacceptable” na pahayag na madaling mananalo ang China sa isang komprontasyon sa Pilipinas.

Ayon sa DFA, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro kay Jing na ang ganitong pananalita ay “aggravates an already sensitive bilateral atmosphere and undermines the shared efforts of both countries to build mutual understanding and cooperation.”

Iginiit din niyang “not the place of a foreign mission to publicly criticize or taunt Philippine officials and legislators who are acting within their mandates,” at mas mainam talakayin ang mga sensitibong isyu “through established diplomatic channels and bilateral mechanisms.”

Nag-ugat ang kontrobersiya nang hingan umano si Jing ng reaksiyon noong Oktubre 15 sa pahayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na “troublemaker” ang China sa rehiyon.

Iniulat na sinabi ni Jing na madaling mananalo ang China kung gugustuhin nitong gumamit ng puwersa, pero idinagdag niya sa parehong pahayag na hindi ito pipiliin ng China dahil mahal nito ang kapayapaan.

Matapos itong punahin ng ilang opisyal ng Pilipinas, iginiit ni Jing na out of context ang pagkakaunawa sa kanyang pahayag at walang intensiyon ang China na gumamit ng puwersa.

Sa pulong nitong Lunes, iniulat ding kinuwestiyon ni Jing ang interpretasyon ng Maynila at naghain ng sarili niyang protesta laban sa ilang opisyal ng Pilipinas, kabilang sina Teodoro at Philippine Coast Guard spokesperson Jay Tarriela, batay sa salaysay ng Chinese Embassy.

Naghain naman umano si Senador Erwin Tulfo ng resolusyong humihimok sa DFA na irekomendang ideklarang persona non grata si Jing.

Hinamon umano ng Chinese Embassy ang mga politiko sa Pilipinas na patunayan sa gawa ang kanilang mga pahayag, sa gitna ng usapang ideklarang persona non grata ang embahador.

Nagbabala rin umano ang DFA na hindi ito mag-aatubiling magsagawa ng “diplomatic action” kung magpapatuloy ang batuhan ng pahayag sa pagitan ng embahada at ng mga opisyal ng Pilipinas.