PWD

Sen. Raffy sa NCDA: Bakit umabot sa katakot-takot na 6M pekeng PWD IDs?

131 Views

SINITA ni Senador Rafael “Raffy” Tulfo ang National Council on Disability Affairs (NCDA) dahil sa pagkalat ng umano’y pekeng identification card ng mga persons with disability (PWD), na aniya’y nagdudulot ng bilyon-bilyong pisong lugi sa gobyerno at mga negosyo.

Sa pagdinig ng Senado nitong Miyerkules sa panukalang 2027 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), binanggit ni Tulfo ang datos ng Department of Justice (DOJ) at NCDA na nasa 8.5 milyong katao umano ang gumagamit ng PWD ID, gayong 2.8 milyon lamang ang rehistradong PWD.

“Bakit umabot sa katakot-takot na six milyon ang mga pekeng IDs?” tanong umano ni Tulfo.

Tinatayang P88 bilyon ang nawawalang buwis ng gobyerno at P166 bilyon ang nawawalang kita ng mga negosyo, lalo na ng mga restaurant, dahil sa mga pekeng ID, ayon sa senador.

Kinuwestiyon din ni Tulfo kung bakit hindi ito napigilan ng NCDA, kung may koordinasyon ba ito sa ibang ahensiya at mga local government unit (LGU), at kung bakit hindi nito namonitor ang problemang nagsimula umano noong pandemya.

Iginiit ng senador na layunin niyang maprotektahan ang karapatan ng mga lehitimong PWD at matiyak na makukuha nila ang benepisyong itinakda ng batas, kabilang ang 20 porsiyentong diskuwento.

Nanawagan siya ng mas mahigpit na pagbabantay at koordinasyon ng mga ahensiya at LGU, at ng posibleng pagrepaso sa mga batas sa benepisyo ng PWD.

Tiniyak naman umano ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na agad nilang inaksiyunan ang mga ulat tungkol sa pekeng PWD ID.

Hindi pa makuha ang tugon ng NCDA sa pagdinig.

Nauna nang nilinaw umano ng NCDA na tumutukoy sa posibleng pang-aabuso ang mga naunang pagtatantiya, at hindi nito pinatutunayang milyon-milyong pekeng ID ang naibigay sa ilalim ng bagong unified system.

Bumubuo ngayon ang NCDA ng National Unified PWD ID System, isang sentralisadong database na may QR code verification para mapadali ang pagberipika ng ID. Ayon umano sa DOJ, maaaring abutin ng tatlong taon bago ito makumpleto.