DSWD

P2K kada buwan na disability allowance isinulong sa Senado

130 Views

ISINUSULONG ng isang budget watchdog sa Senado ang P2,000 buwanang disability support allowance para sa mga Pilipinong may matinding kapansanan, na sinuportahan nina Senador Risa Hontiveros at Imee Marcos.

Sa pagdinig ng Senado sa budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Miyerkules, hiniling ni Dr. Liza Martinez ng Social Watch Philippines na saklawin ng allowance ang 345,000 Pilipinong may matinding kapansanan o “severe functioning difficulties,” para sa pagpapagamot at gamot, hygiene supplies, espesyal na transportasyon at iba pang pangangailangan. Aabot ito sa humigit-kumulang P690 milyon kada buwan o mahigit P8 bilyon kada taon.

Ayon kay Martinez, kulang pa ang P2,000 sa aktuwal na gastusin. Aniya, P1,000 na ang isang oras ng sign language interpreter, at hindi bababa sa P5,000 ang pagpapatingin sa developmental pediatrician.

Sinabi ni Hontiveros na may nakahain siyang panukalang batas para sa P2,000 buwanang disability support allowance. Ayon naman kay Marcos, naghain siya ng katulad na panukala na P500 kada buwan, isang mas maliit na halaga dahil kailangang tukuyin kung saan kukunin ang pondo.

“Sana mabuhay ngayon,” ani Marcos tungkol sa kanyang panukala.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, naibalik sa bersyon ng Kamara ng 2027 budget ang P25 milyon para sa Project Aruga, isang pilot program para sa mga batang may kapansanan at kanilang pamilya na may kasamang P2,000 disability support allowance. Naibalik din ang P25 milyon para sa Project SAFE laban sa online sexual abuse and exploitation of children.

Sumang-ayon din si Gatchalian sa hiling ng grupo na ibalik ang tinapyas sa budget ng mga attached agency ng DSWD, dahil marami aniya rito ay para sa sahod ng mga empleyado.

Inamin din ng kalihim na kailangang paghusayin ng DSWD ang serbisyo para sa mga bingi, kabilang ang pagsasanay ng mga service provider sa Filipino Sign Language sa itatayong academy ng ahensiya.

Nakabinbin pa sa Senado ang mga panukalang batas sa disability support allowance.