Sen. Gatchalian

’27 budget di na ibabalik sa Kamara, pagsusuri itutuloy ng Senado

47 Views

ITUTULOY ng Senado ang pagsusuri sa panukalang P7.2 trilyong 2027 national budget at sila na mismo ang magtatama rito nang hindi na ibinabalik sa Kamara, ayon umano kay Senate President Sherwin Gatchalian sa isang chance interview nitong Biyernes.

Sinabi umano ni Gatchalian na kinonsulta niya si Senate Committee on Finance Chairman Joseph Victor “JV” Ejercito bago ito. Wala rin umano siyang nakikitang malaking pagbabagong kailangang gawin sa panukala, na nakatakdang talakayin sa plenaryo sa susunod na buwan.

Nauna nang hiniling umano ng Makabayan bloc sa Kamara na bawiin ang inaprubahang panukalang badyet, dahil makikita umano rito ang mga probisyong idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon.

Nagbabala naman si Ejercito nitong Huwebes na maaaring hindi maipasa bago matapos ang taon ang badyet kung babawiin ito ng Kamara.

“I’m worried on that kasi pag ginawa yan, most likely hindi tayo papasa. Mukhang hindi natin maipapasa by year-end ang budget. Kasi very tight na,” ani Ejercito sa isang panayam.

Binanggit niya ang masikip na timeline at ang dami ng kasabay na iskedyul, kabilang umano ang pagpapatuloy ng impeachment trial sa Nobyembre 9 at mga aktibidad kaugnay ng ASEAN.

Target umano itong maaprubahan pagsapit ng ikalawang linggo ng Disyembre.

Umaasa si Ejercito na sa bicameral conference committee na lamang maaayos ang anumang pagtutol sa panukala. May inisyal na rin umanong pag-uusap ang Senado at Kamara para pagtugmain ang magkaibang probisyon bago ang bicam.

Ayon kay Ejercito, iba na ngayon ang bicam dahil wala nang small committee, at mapapanood ng publiko ang deliberasyon.

“At least we’re transparent lahat naman ito will be televised at makikita naman nila ang pag-uusapan sa Bicam,” aniya.

Kaparehong babala ang inihayag ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson, na nagsabing maaaring humantong sa reenacted budget ang pagbawi sa bersiyon ng Kamara.

Makikipagpulong naman ang Senado sa mga civil society organization sa Lunes, Oktubre 26, para pakinggan ang kanilang mga obserbasyon at red flag sa badyet, na maaaring isama sa subcommittee report, ayon kay Ejercito.

Naghahanda rin umano ang Office of the Solicitor General na kuwestiyunin ang desisyon ng Korte Suprema sa badyet, na kabilang sa mga pinawalang-bisa ang mga probisyon ng 2026 budget sa paglalabas ng unprogrammed funds.

Kaugnay nito, sinabi ni Ejercito na umapela siyang magamit man lang ang sobrang kita ng gobyerno sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa mga kakulangan ng foreign-assisted projects.

Kailangan aniya ito para makamit ang minimum credible defense posture at mairespeto ang Navy, Coast Guard at sandatahang lakas ng bansa.

“I do not want the idea of going back to Congress kung magkakasupplemental budget para lang magamit yung pondo,” aniya.