Rep. Acidre

Mas malawak na access sa edukasyon dapat magbunga ng mas mahusay na pagkatuto–Acidre

Mar Rodriguez Oct 24, 2026
28 Views

DAPAT sabayan ng mas mahigpit na pamantayang pang-akademiko at sapat na suporta sa mga mag-aaral ang pagpapalawak ng access sa edukasyon sa pamamagitan ng digital platforms at mga flexible learning arrangement, ayon kay House Committee on Higher and Technical Education Chairperson at TINGOG Partylist Rep. Jude Acidre.

Mahalagang matiyak na ang mga mag-aaral ay hindi lamang nabibigyan ng pagkakataong makapag-enroll, kundi nagkakaroon din ng sapat na kaalaman at kasanayang kailangan upang matagumpay na matapos ang kanilang pag-aaral.

Ito ang mensahe ng kongresista sa pagdalo sa 39th annual conference ng Asian Association of Open Universities (AAOU) na pinangunahan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa The Heritage Hotel sa Pasay City noong Huwebes.

Dapat magkaroon ng mas malaking papel ang open and distance education sa pagtugon sa matagal nang suliranin sa kalidad ng edukasyon at sa paghahanda ng mga mag-aaral sa patuloy na pagbabago ng mundo, ayon sa kongresista.

“Ang pagpapalawak ng access sa edukasyon ay hindi nangangahulugang awtomatiko na nating napabubuti ang resulta ng pagkatuto,” pahayag ni Acidre.

Binanggit ni Acidre ang mga natuklasan ng komisyon hinggil sa patuloy na kakulangan sa mga pangunahing kasanayan sa pagbasa, pagsulat at pagbilang, gayundin sa pagpapanatili ng mga mag-aaral sa paaralan, pagtatapos ng kanilang pag-aaral, kakayahan ng mga institusyong pang-edukasyon, at pagtutugma ng mga kwalipikasyon sa mga pangangailangan ng trabaho.

Binigyang-diin ni Acidre na kailangang higit pa sa bilang ng mga naka-enroll na mag-aaral ang maging batayan ng tagumpay ng mga institusyong pang-edukasyon.

Dapat tiyakin ng mga paaralan at unibersidad na nabibigyan ang mga mag-aaral ng sapat na paghahanda, gabay, at suporta upang maipagpatuloy at matagumpay na matapos ang kanilang pag-aaral.

Gayunman, sinabi nitong nananatiling hamon ang pagkakaiba-iba sa kalidad ng internet connection, kalagayang pinansiyal, at kahandaan ng mga mag-aaral sa pag-aaral.

“Ang tunay na sukatan ng pagiging inklusibo ng edukasyon ay hindi lamang kung ilan ang binibigyan natin ng pagkakataong makapag-enroll, kundi kung ilan ang natutulungan nating matuto, makatapos ng kanilang pag-aaral, at mapabuti ang kanilang buhay,” ani Acidre.

Nanawagan si Acidre para sa mas flexible na mga landas sa edukasyon na kumikilala sa dating kaalaman at kasanayang nakamit ng mga mag-aaral, kabilang ang mga indibidwal na nahihirapang sumunod sa tradisyonal na sistema ng pag-aaral dahil sa kanilang personal at propesyonal na kalagayan.

Bilang halimbawa, binanggit niya ang Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) Act, na isa sa mga pangunahing batas na kanyang inakda.

Layunin ng programang ito na kilalanin ang mga kakayahan at kaalamang nakamit ng isang indibidwal sa pamamagitan ng trabaho at propesyonal na karanasan upang magkaroon siya ng pagkakataong makakuha ng katumbas na kwalipikasyong pang-edukasyon.

Hinimok niya ang mga institusyong pang-edukasyon na palakasin ang disenyo ng pagtuturo, mga sistema ng pagtatasa, kakayahan ng mga guro, at suporta sa mga mag-aaral, lalo na sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence (AI) na nakaaapekto sa paraan ng pagtuturo at pagkatuto.

“Ang kredibilidad ng open and distance education ay nakasalalay sa isang malinaw na paninindigan: ang pagiging flexible sa paraan ng paghahatid ng edukasyon ay dapat sabayan ng mahigpit na pamantayan sa mga kaalamang inaasahang matutuhan ng mga mag-aaral,” paliwanag ng kongresista.

Binigyang-diin din pa ni Acidre ang kahalagahan ng lifelong learning o patuloy na pagkatuto sa buong buhay, lalo na ngayong mabilis na nagbabago ang teknolohiya at ang mga pangangailangan ng sektor ng paggawa.

Ayon sa kanya, mahalagang palakasin ang pagtutulungan ng mga unibersidad, pamahalaan, at industriya upang makabuo ng mga programang magbibigay-daan sa mga indibidwal na patuloy na makakuha ng bagong kaalaman, kasanayan, at kwalipikasyon sa iba’t ibang yugto ng kanilang karera.

Hindi lamang dapat nakabatay sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya ang tagumpay ng inobasyon sa edukasyon, dagdag ng kongresista.