Trato sa taxpayers pinuna ni Rica Peralejo

30 Views

KINUWESTYON ni dating aktres na si Rica Peralejo-Bonifacio ang umano’y hindi patas na sistemang kinahaharap ng mga taxpayer kumpara sa mga sangkot sa korupsyon sa pamahalaan.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Rica na wala siyang problema sa pag-a-update ng kanyang registration bilang content creator, dahil matagal na siyang nagbabayad ng buwis bilang artista mula edad 13. Gayunman, iginiit niyang hindi niya kayang tanggapin ang aniya’y pagnanakaw sa kaban ng bayan habang patuloy na pinapasan ng mga taxpayer ang kanilang mga obligasyon.

“Tax payers funding the rampant corruption in government,” saad ni Rica, habang binanggit ang mga isyu sa flood control at ang hirap na dinaranas ng mga ordinaryong mamamayan sa pagsunod sa mga kinakailangan ng sistema.

Aniya, nakararanas ng mga deadline at iba pang hamon ang mga taxpayer, samantalang tila malaya at walang takot ang mga umano’y nagnanakaw sa pondo ng bayan.

Kalakip ng kanyang pahayag ang post ni Sen. Bam Aquino na nananawagang ipagpaliban muna ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang requirement na Registration Seal Badge para sa online sellers at content creators.